377 total views
Hinimok ng arsobispo ng Archdiocese of Manila ang kristiyanong pamayanan na makiisa sa pagdiriwang ng buwan ng rosaryo ngayong Oktubre.
Ayon kay Archbishop Jose Cardinal Advincula mahalaga ang sama-samang pagninilay sa mga banal na rosaryo lalo na sa kasalukuyang sitwasyon ng mundo na nahaharap sa banta ng coronavirus pandemic.
“Mga kapatid, sa pagpasok ng buwan ng Oktubre, sinisimulan din natin ang buwan ng Santo Rosaryo. Inaanyayahan ko kayo na magdasal ng rosaryo araw-araw. Magdasal ng sama-sama bilang pamilya at komunidad,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Batid ng arsobispo ang maraming salaysay ng mga banal sa pagiging mabisa ng Santo Rosaryo at makapangyarihang panalangin sa Diyos sa tulong ng Mahal na Birheng Maria.
Higit na ngayong nakaranas ng pandaigdigang krisis sa kalusugan ay pinaigting ng simbahan ang pagdarasal ng banal na rosaryo bilang pagluhog sa Panginoon na mawakasan ang pandemya.
“Sa panahong ito ng pandemya, patuloy nating hilingin ang tulong ng Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng Santo Rosaryo; alam natin, hindi niya tayo bibiguin,” ani ng Cardinal.
Una nang inilunsad ng Kanyang Kabanalan Francisco ang ‘Healing Rosary for the World against COVID-19’ noong Abril 2020 para sa paghilom ng buong mundo sa labis na pinsala ng pandemya.
Ipinagpatuloy naman ito sa Pilipinas sa pangunguna ng iba’t ibang simbahan ng mga arkidiyosesis, diyosesis at maging ng mga religious congregation sa bansa lalo’t tumaas sa 2.5 milyon ang bilang ng mga nahawaan ng COVID-19.
Bukod dito kinilala rin ni Cardinal Advincula ang kapangyarihan ng santo rosaryo sa pagkamit ng kalayaan ng bansa sa mapayapang paraan.
“Kahit sa ating kasaysayan bilang isang bayan, naranasan na din natin kung paanong ang rosaryo ay nagdulot sa atin ng kalayaan at liwanag,” saad ni Cardinal Advincula.
Batay sa kasaysayan ika – 15 siglo ng magsimula ang pagdarasal ng rosaryo na unang iginawad ng Mahal na Birhen kay Saint Dominic nang magpakita ito noong 1214.
Sa pamamagitan din ng Santo Rosaryo na pinangunahan ni Pope Pius V kasama ang Catholic League ay nagtagumpay ang kabutihan sa gitna ng karahasan sa Europa partikular na ang Battle of Lepanto kaya’t idineklaran ni Pope Pius V ang October 7 bilang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Rosaryo.
Taong 1884 ng pormal na idineklara ni Pope Leo XIII ang buwan ng Oktubre bilang buwan ng rosaryo sa kanyang ensiklikal na Superiore Anno.
Sa Radio Veritas araw-araw mapakikinggan ang pagdarasal ng Santo Rosaryo tuwing alas kuwatro ng umaga at alas nuwebe ng gabi.