1,017 total views
Kapanalig, marami ang umaaray ngayon dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin. Kada balik mo sa pamilihan, unti-unting tumataas ang presyo ng mga produktong karaniwan mo ng binibili. Tinitipid na nga ng marami ang kanilang budget dahil bawas na o halos walang kita ang marami sa atin, pero hindi pa rin nagkakasya. Kaya nga marami ang natatakot na baka wala ng mabibili sa susunod dahil sa patuloy na pagtaas ng bilihin habang patuloy naman na nababawasan ang kita.
Ayon nga sa opisyal na datos, tumaas na naman ang inflation rate ng bansa nitong nakaraang mga buwan. Mula 4% noong Hulyo naging 4.9% ito noong Agosto. Ang food inflation malaki rin ang tinaas – mula 5.1% noong Hulyo, naging 6.9% ito noong Agosto. Ang fish inflation, mula 9.3%, naging 12.4%. Ang gulay, mula 5%, naging 15.7%. Matagal ng mataas ang karne mula nang nagkaroon ng swine flu, kaya ngayon, mas kaunti na rin ang bumibili nito.
Kung itatapat natin ito sa kita ng ordinaryong pamilya ngayon, nakakapanlumo. Noong nakaraang taon kapanalig, bumaba na ang spending o pag-gastos ng mga Filipino, pero malaki pa rin ang binaba ng savings ng bansa. Ang gross national savings natin ay bumaba ng 27% mula 2019 hanggang 2020. Noong 2019, P6.15 trillion ang savings natin. Naging P4.43 trillion ito noong 2020. Pinahihiwatig nito, kapanalig, na kulang talaga ang budget ng marami sa ating mga Filipino.
Ilang buwan na lang at matatapos na ang termino ng kasalukuyang administrasyon. At bago pa man ito matapos, ang kahirapan ng mga mamamayan ay nade-deprioritize na ng bayan, o nakikipagkumpetensya na sa samu’t saring isyung pumupukaw ng ating atensyon. Eleksyon na ang pinag-uusapan ng marami, habang marami pa rin sa atin ang humaharap sa hamon ng COVID-19. Dahil dito, marami tayong mamamayan ang naiiwan na naman sa laylayan ng lipunan, at doon, naiiwan silang gutom.
Lahat tayo ay nagnanais na bumangon at sumulong na mula sa kahirapang dala ng pandemyang ito. Marami sa atin, nakikita ang eleksyon bilang tugon sa paghihirap na ito. Isa ito sa mga solusyon, pero hindi dapat nating iwaglit ang pangangailangan ng maraming mga mamamayan ngayon.
Kahit na nakatuon na ang ating atensyon sa darating na eleksyon, huwag sana nating kalimutan ang dinadanas na kahirapan ng marami nating mga kababayan. Survival, kapanalig, ang usapin dito, kaya’t agarang tugon ang kailangan. Habang lumuluwag ang mga restriksyon sa panahon ng pandemya, kailangan din nating mai-angat ang mga mamamayang naipit at nagipit nito. Ito ay bahagi ng ating katungkulan bilang mga Kristyano. Ayon nga sa Justicia in Mundo, bokasyon natin bilang simbahan nabigyang laya at ligaya ang mga api, naghihirap at nagdudusa.
Sumainyo ang Katotohanan.