371 total views
Kumikilos na ang mga Simbahan sa Northern Luzon upang agad na maka-agapay sa mga naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Maring.
Sa Diocese ng San Fernando La Union, agad na nagsagawa ng pamamahagi ng pagkain ang kanilang Social Action Center upang makatulong sa mga nagsilikas na residente dahil sa mga pagbaha.
Ayon kay Sr. Sonia Hernandez ng Diocese of San Fernando binaha ang ilang mga low lying areas sa lalawigan ng La Union dahilan upang magsilikas ang ilang mga residente.
“mayroon tayo ipinamimigay na konting soup para sa mga evacuees. Marami sa mga nagsilikas ay sa mga relatives pansamantalang nakituloy kasi kagabi mataas ang tubig hanggang ngayon wala kaming kuryente dito.” Pahayag ni Sr. Sonia.
Sa Diocese of Laoag sinisikap ng Social Action Center nito na makakalap ng impormasyon sa 3 bayan sa Ilocos Norte na pinaka-naapektuhan ng Bagyo.
Ipina-abot ni Rev. Fr. Ronnie Pillos, Social Action Director ng Diyosesis ang kanilang kahandaan tumugon sa pangangailangan ng mga naapektuhan residente.
Sa panayam ng Radyo Veritas kay Heneng Nieto ang Social Action Coordinator ng Diocese of Laoag, apektado ng pagbaha ang mga bayan ng Pagudpud, Burgos at Marcos dahil sa malakas na pag-ulan na dala ng bagyong Maring.
Una nang nagpahayag si Rev. Fr. Danilo Martinez at Rev. Fr. Andy Semana ng Archdiocese of Nueva Segovia at Archdiocese of Tuguegarao ng kagustuhan na makatulong sa kanilang mga apektadong kababayan sa oras na makakalap na ng sapat na impormasyon mula sa mga Parokya.
Inaasahan na magsasagawa ng rapid assessment ang mga nabanggit na tanggapan upang makapagbigay ng ayuda sa mga nasalantang residente.
Naka-antabay naman ang NASSA-Caritas Philippines at Caritas Manila para sa mga posibleng pangangailangan ng mga apektadong Simbahan.
Sa inisyal na datos ng Department of Agriculture umabot na sa P29.40 Million pesos ang halaga ng pinsala na iniwan ng bagyong Maring sa Cordillera Administrative Region.