507 total views
Inalala ng mga Boholano ang 7.2 magnitude na lindol na yumanig sa buong lalawigan at karatig lugar noong Oktubre 2013.
Isang misa ang pinangunahan ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa St. Joseph Cathedral Shrine and Parish na dinaluhan ng mamamayan mula sa iba’t ibang sektor.
Sa homiliya ng obispo sinabi nitong ang lindol ay isang paalala sa mamamayan ng presensya ng Diyos na nag-aanyaya ng pagbabalik loob.
Inihalintulad ni Bishop Uy ang lindol sa mga pagsubok na kinakaharap ng tao na nagpapayanig sa pananampalataya at ng buong pagkatao subalit nararapat na matatag na harapin kasama ang Panginoon.
“Ang lindol ay katulad ng mga pagsubok at suliranin na biglaang dumadating sa buhay ng tao pero hindi ito dapat katakutan sapagkat may Diyos; ang mga hamon ng buhay ang magpapatibay at maglalapit sa atin sa Diyos upang tayo ay magtagumpay,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Uy.
Tinuran pa ng obispo na may mga panahong kinakailangang yanigin ang tao upang ipaalala ang presensya ng Diyos sa bawat isa.
Batid din ng obispo na ang COVID-19 na labis ang epekto sa buong mundo ay isa sa mga lindol na yumanig sa sangkatauhan kabilang na ang pananampalataya ng tao sa Panginoon lalo na sa Pilipinas na umabot na sa 2.6 na milyon ang mga nahawaan.
Bukod pa rito ang malawakang Repa scam sa Bohol kung saan humigit kumulang sa kalahating bilyong piso ang nakolektang salapi mula sa maraming mamamayan.
“Kapit lang tayo sa Panginoon sapagkat hindi niya tayo pinababayaan; ang mga may pagkukulang, magbalik-loob; sa mga lindol ng buhay mas nagiging malakas at matibay tayo,” ani ng obispo.
Matatandang October 15, 2013 nang yanigin ng malakas na lindol ang Bohol at karatig lalawigan na ikinasawi ng halos 200 indibidwal at ikinasira sa 80 libong mga istruktura na nagkakahalagang mahigit sa dalawang bilyong piso kabilang na ang mga century old churches.
Nasa 21 simbahan na ang naisaayos at muling nagamit ng mananampalataya kabilang na ang mga idineklarang ground zero sa pakikipagtulungan ng pamahalaan lalo’t ilan sa mga simbahan ay idineklarang heritage churches.
“Unti-unti tayong bumangon matapos ang lindol kahit ang mga lumang simbahang napinsala ay muling naitayo sa ating pagtutulungan; mas maganda at mas matibay pa, ganyan tayo kamahal ng Diyos,” dagdag pa ni Bishop Uy.
Bukod sa misa sa mga parokya sa lalawigan pinatunog din ang mga kampana ganap na alas 8:12 ng umaga ang oras ng pagyanig walong taon ang nakalilipas.
Dumalo sa misang pinangunahan ni Bishop Uy si Bohol Governor Arthur Yap kasama ang mga opisyal ng lalawigan at ang mananampalataya ng Tagbilaran.