448 total views
Ang boto ng bawat botante sa nakatakdang halalan ay sumasalamin sa kanyang sarili at mga pinahahalagahan sa buhay.
Ito ang binigyang diin ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action – Justice and Peace sa tunay na diwa at kahalagahan ng boto ng bawat mamamayan.
Ayon sa Obispo, dapat na maunawaan ng mga botante na sinasalamin ng kanilang mga pipiliing iboto at ihalal ang kanilang pagkatao at pinahahalagahan sa buhay.
Sinabi ni Bishop Bagaforo na kung ang iboboto ng mga botante ay mga magnanakaw, sinungaling at makasalanan ay nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng parehong katangian at paraan ng pamumuhay.
“Whom we vote reflects ones values in life, kung sino yung binoto natin, reflection yun kung ano ang values ng ating buhay ibig sabihin kung sinong binoto natin ganun yung ating pagkatao, tandaan ninyo yan kung binoto natin magnanakaw ibig sabihin magnanakaw tayo, kung binoto natin sinungaling na tao ibig sabihin sinungaling din tayo, kung binoto natin makasalanan ibig sabihin gusto natin lahat tayo maging makasalanan.” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Ipinaliwanag ng Obispo na siya ring National Director ng NASSA/Caritas Philippines, ang pagboto sa pamamagitan ng gabay ng mga panlipunang turo ng Simbahan ay nangangahulugan ng pagboto sa mga lider na maka-Diyos, makatao, at makakalikasan na sumasalamin sa pagnanais ng bawat isa na magkaroon ng mas maayos at mapayapang bayan.
“Pero kapag binoto natin maka-Diyos, makatao, makakalikasan, Gospel-values, values of our Christianity, yan ang repleksyon ng ating pagkatao ibig sabihin yan ang gusto nating mangyari sa buhay natin maging maka-Diyos, maging makatao, maawain at mapagmahal sa kapwa.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Una ng binigyang diin ni Bishop Bagaforo na ang pagboto sa halalan ay maituturing na isang paraan ng pananalangin at pagdarasal para sa pagkakaroon ng bayan ng kapat-dapat na opisyal na mamumuno.
Kaugnay nito nagpahayag ng suporta ang Obispo sa iba’t ibang mga inisyatibo upang gabayan ang mahigit sa 63-milyong mga botante para sa pagkakaroon ng One Godly Vote.
Hinimok ng opisyal ang mamamayan na maging matalino at aktibong partisipasyon sa proseso ng nakatakdang halalan sa pamamagitan ng gabay ng mga panlipunang turo ng Simbahan kabilang na ang Prayer Power Campaign 2022 ng PPCRV at Halalang Marangal 2022 Coalition na binubuo ng iba’t ibang mga grupo at organisasyon.