658 total views
Patuloy na nananawagan si environmentalist priest Fr. Pedro “Pete” Montallana, OFM sa pamahalaan upang hindi na maipagpatuloy ang binabalak na pagtatayo sa New Centennial Water Source o Kaliwa Dam Project na popondohan ng kumpanya mula sa China.
Ayon kay Fr. Montallana, Chairperson ng Save Sierra Madre Network Alliance na ang patubig na magmumula sa Kaliwa Dam, bagamat nakikita ang magandang benepisyo para sa mga residente ng Metro Manila ay hindi naman maganda ang maidudulot para sa mga katutubo at kagubatan na maaapektuhan kapag naisakatuparan ang binabalak na proyekto.
Paliwanag ng Pari na maraming katutubo pa rin ang nakakaranas ng pagbabanta maging ang panunuhol mula sa mga ahensya ng pamahalaan upang makuha ang pahintulot para sa pagpapatayo ng nasabing dam.
“Tuloy-tuloy pa rin ang pagba-bribe sa mga katutubo dito ng [Metropolitan Waterworks and Sewerage System] para sila ay pumasok na, pumanig na sa Kaliwa Dam and that is our struggle… Mahina rin ang advocacy ng National Commission on Indigenous People na dapat sila ang nagpo-protekta sa mga katutubo sila pa ‘yung nagbebenta ng katutubo sa MWSS at dito sa Chinese project,” pahayag ni Fr. Montallana sa panayam ng Radio Veritas.
Hinihimok naman ni Fr. Montallana ang pamahalaan na nawa’y magising na sa katotohanan at pakinggan ang hinaing ng mga katutubo na patuloy na ipinagtatanggol ang kanilang karapatan laban sa mga mapanirang paraan ng pag-unlad.
Gayundin ang panawagan sa bawat mamamayan na patuloy na ipanalangin ang kaligtasan ng mga katutubo laban sa mga nang-uusig at nagbabanta sa kanilang mga buhay.
“Sana magising na ang agencies ng ating gobyerno na kailangang ipagtanggol nila ang mga katutubo… Panawagan ito sa atin na patuloy na ipagdasal at gawin ang lahat ng magagawa natin para i-oppose natin itong sisira sa buhay ng mga katutubo,” saad ni Fr. Montallana.
Taong 2012 nang iminungkahi ng pamahalaan ang pagtatayo ng $235.9-milyon o P12.20-bilyong Kaliwa Dam Project sa itaas na bahagi ng Kaliwa River Watershed na bahagi ng Sierra Madre Mountain Range.
Ang proyekto ay bahagi ng New Centennial Water Source program ng pamahalaan na sinasabing makatutulong upang mabawasan ang kakulangan sa supply ng tubig sa Metro Manila.
Kung ito’y magpapatuloy, maaapektuhan nito ang aabot sa humigit-kumulang 11,000-pamilyang naninirahan sa 28,000 ektaryang lupain, gayundin ang nasa halos 300 ektaryang kagubatan.