392 total views
Umaasa ang Halalang Marangal 2022 Coalition na ilaan ng kasalukuyang administrasyon, partikular na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang nalalabing termino para sa pagpapatatag ng demokrasya ng bansa.
Ito ang panawagan ng kowalisyon na binubuo ng may 20 church and civic organizations na nagkaisa bilang paghahanda sa nakatakdang halalan sa bansa sa susunod na taon.
Ayon sa Halalang Marangal 2022 Coalition, nawa ay ilaan ng pamahalaan ang nalalabing panahon sa termino ng administrasyong Duterte upang higit na mapatatag ang pagkakaisa ng taumbayan at pagtiyak sa pagkakaroon ng malaya, maayos, matapat, mapayapa at marangal na halalan.
“We hope and pray that the President, with the help of other government officials, dedicate the remaining days of his presidency to strengthen the trust of and solidarity with our people in our democracy by demonstrating that free, orderly, honest, peaceful and credible elections can be accomplished under his watch,” panawagan ng Halalang Marangal 2022 Coalition.
Umapela rin ang kuwalisyon sa Commission on Elections (COMELEC) para sa pagtiyak sa pagkakaroon ng ‘climate of trust and confidence’ para sa papalapit na 2022 National and Local Elections sa pamamagitan ng pagsusulong at higit na pagpapalakas sa mandato ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan na bahagi ng demokrasya ng bansa.
Partikular ding nanawagan ang Halalang Marangal 2022 Coalition sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas at Pambansang Pulisya ng Pilipinas upang mariing manindigan para sa tama at kabutihan sa pagbabantay sa kabuuang proseso ng halalan sa bansa.
“We call on the President, the COMELEC and all those in power to lead in creating an unmistakable climate of trust and confidence in the forthcoming elections by defending, and not intimidating, all those institutions and principles that make democracy function. Even as we pray for those in power, we hold all in government, especially the Armed Forces of the Philippines and the Philippine National Police primarily accountable for upright elections or Halalang Marangal, a legacy worth fighting for, if we must,” dagdag pa ng Halalang Marangal 2022 Coalition.
Pinangungunahan ang kuwalisyon ng Caritas Philippines na siyang social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines at implementing arm ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action – Justice and Peace.
Bukod sa layunin ng kuwalisyon na matiyak ang pagkakaroon ng malinis, matapat, mapayapa at marangal na halalan sa bansa ay inaasahan rin ang pagsusulong ng Halalang Marangal 2022 Coalition sa One Godly Vote o ang isang halalan na mayroong matatag na prinsipyo sa katotohanan para sa kapakanan at kabutihan ng bayan na nakabatay sa mga panlipunang turo ng Simbahan.