329 total views
Inihahanda na ng Archdiocese of Manila sa pamamagitan ng social arm nito na Caritas Manila ang tulong para sa mga naapektuhan ng bagyong Maring sa bansa.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at pangulo ng Radyo Veritas, nakahanda na ang pondo para itulong sa mga naapektuhan ng bagyo.
Sinabi ni Fr.Pascual na naglaan ang Archdiocese of Manila ng P2 milyong piso para sa rehabilitation and livelihood program na maaaring isagawa sa mga naapektuhang parokya.
Inihayag ng Pari na P2 milyong piso din ang ilalaan ng Caritas Manila para sa kabuuan na P4 na milyong piso.
Umaapela naman si Fr. Pascual sa mga kapanalig na maglaan din ng pagtulong sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Isa ang Archdiocese ng Nueva Segovia sa lalawigan ng Ilocos Sur sa mga labis na naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Maring.
Naunang inihayag ng NASSA Caritas Philippines na tutugon ito sa pangangailangan ng mga naapektuhan ng bagyo kung saan naglabas na ito ng paunang P500 libong piso na tulong habang inaasahan na magbibigay pa ito ng karagdagan ayuda para sa mga naapektuhan ang kanilang kabuhayan.
Kaugnay nito, magsasagawa naman ng pagpupulong ang Diocese of Baguio upang alamin ang pagtulong na isasagawa sa kanilang mga naapektuhan na kababayan.
“May meeting kami this afternoon sisilipin namin ang quick assessment namin sa mga nasalanta ng bagyong Maring” Pahayag ni Fr. Noel Panayo, Social Action Director ng Diocese of Baguio.
Nagsagawa na din ng mga relief operation ang Archdiocese of Lingayen – Dagupan sa mga lugar na sinalanta ng pagbaha.
“Sa awa ng Diyos tuyo na ang Dagupan pero yun ibang side ng Calasiao yun malapit sa river may tubig pa na konti.. May mga relief operations na ginawa na ang mga Parokya automatic na yun na kapag may pagbaha may mga relief asssitance na din ang mga parokya” pahayag ni Janice Hebron ng Social Action Center ng nasabing Arkidiyosesis.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Office aabot sa 158, 510 pamilya o 626, 177 na indibidwal ang naapektuhan ng bagyong Maring partikular na sa Region 1, Region 2. Region 8 at CARAGA.