435 total views
Ang pangangalaga sa kalikasan ay bahagi ng pakikipag-ugnayan ng tao sa Diyos.
Ito ang mensahe ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo sa mga mananampalataya at residente ng Sitio Batas sa Barangay Poblacion, Taytay, Palawan bilang bahagi ng kanyang pagbisita sa iba’t ibang komunidad at parokya na sakop ng Vicario Apostoliko.
Sa isang episode ng Less is More, ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na kaugnay ng pagmamalasakit ng tao sa mga likas na yaman ay ang pagpapakita ng pagmamahal sa Panginoong Diyos na lumikha ng lahat ng likas na yaman.
“Alam n’yo po, ‘yung pangangalaga ng puno natin ay bahagi ng ating relasyon sa Diyos. Kasi ang kagubatan, ang karagatan ay ginawa ng Diyos. Kung mahal natin ang Diyos na manlilikha na tinatawag nating ating Ama, aalagaan natin at papalaguin natin ang kanyang ginawa,” pahayag ni Bishop Pabillo sa kanyang Less is More.
Nais naman ni Bishop Pabillo na palaganapin ang community-based forest management sa Sitio Batas upang mas mapangalagaan ang mga kagubatan at iba pang likas na yaman ng Palawan.
Dahil dito, hinamon ng Obispo ang mga residente ng Sitio na bawat isang indibidwal – matanda man o bata – ay magtatanim at mag-aalaga ng isang puno.
“May isa po akong hamon sa inyong lahat. Pwede ba na bawat isa ay magtanim ng isang puno at alagaan ang punong iyon? Kasi madali pong magtanim pero mahirap magpalago. Pero kung bawat isa ay magtatanim ng isa lang at palaguin, ang dami-dami natin dito, dadagdag ‘yan,” ayon sa Obispo.
Inihayag naman ni Bishop Pabillo na maraming programa ang pamahalaan hinggil sa pangangalaga sa kalikasan.
Ngunit hindi na ito tuluyang naipapatupad dahil limitado lamang ang panahon ng mga pulitiko sa kanilang mga pwesto dahilan kaya naaantala ang mga programang makakatulong sana sa pagpapanatili ng kalikasan.
“Maraming mga programang maganda sa papel pero wala tayong nakikita… Hindi naman magagawa nang isang araw ‘yan kaya nga ang pag-aalaga ng forest ay hindi n’yo pwedeng ipaubaya sa pulitiko. Kasi ang mga pulitiko nand’yan lang sila ng tatlong taon, ng anim na taon tapos wala na,” ayon kay Bishop Pabillo.
Kaya iginiit ni Bishop Pabillo na mas nararapat pa ring mangalaga ng kalikasan ang sambayanang kahit sa maliit o unti-unting paraan ay maipapakita ang wastong pagkilos at pagmamalasakit sa ating inang kalikasan.
“Kaya talagang ang mangangalaga ng forest ay ang sambahayan…at kayong nakatira rito, matagalan kayo rito. Magpapalit at magpapalit ‘yung mga pari pero kayo ay nandito pa rin,” saad ng Obispo.
Ayon sa Laudato Si ni Pope Francis, ang relasyon ng tao sa kalikasan ay hindi maaaring ihiwalay sa ating pakikipag-ugnayan sa kapwa at sa Diyos, dahil mawawalan ito ng saysay at maituturing na pagkukunwari o pagpapakitang tao lamang.