315 total views
Mga Kapanalig, pinahahalagahan sa mga panlipunang turo ng Simbahang Katolika ang eleksyon bilang isa sa mga pangunahing haligi ng demokratikong pamamahala. Isa ito sa mga nagtitiyak na nakalalahok ang mga mamamayan sa paggawa ng mga pulitikal na desisyon, na binibigyang-pansin ni Pope John Paul II sa kanyang ensiklikal na Centesimus Annus. Samakatuwid, ang kapangyarihan ng mga pinunong malayang pinipili ng mga mamamayan ay dapat na ginagamit para sa mga taong nagluklok sa kanila. Nagpapasya at kumikilos sila sa ngalan ng taumbayan at para sa kapakanan ng buong bansa. Kaya nga sa wikang Filipino, napakabigat ng salitang “lingkod-bayan” upang patungkulan ang mga lider na pinipili natin sa araw ng halalan.
Ngunit hindi natin maitatangging ang kalakaran ng pulitika sa ating bayan ay tila nananatili pa rin sa kontrol ng mga pulitiko at mga grupong may kani-kaniyang makikitid na interes. At nasasalamin ito sa kung paano nila ituring ang proseso ng eleksyon. Sa pagtatapos ng pag-file ng certificates of candidacy (o COC) ng mga nais makuha ang ating mga boto sa Mayo 2022, may mga kumuwestyon sa ginagawa ng ilang partidong pulitikal na nagsasalang ng mga kandidatong kalaunan ay plano nilang palitan o i-substitute. Bagamat hindi ito iligal, mistulang nasasamantala ito ng mga grupong naghihintay pa rin ng pagsang-ayon ng kandidatong gusto nilang patakbuhin ngunit hindi pa desidido o nagpapakipot pa.
Ganito ang nangyari noong halalan ng 2016. Matatandaang naging substitute candidate ang noo’y Davao City Mayor Digong Duterte para sa isang kandidatong kalaunan ay nagdesisyong umatras. Ngunit malinaw na naging estratehiya lamang iyon ng kanyang partidong PDP-Laban. Sinusuyo pa kasi ng mga miyembro nito ang sikat na alkalde na tumakbo sa pagkapangulo kahit pa nauna na niyang sinabing wala siyang ambisyong maging presidente ng Pilipinas. Ngunit ibinoto pa rin siya ng 16 na milyong botante, and the rest is history, ‘ika nga.
At ngayon, mukhang ganito na naman ang magiging diskarte ng mga partidong sinusuyo naman ang anak ng presidenteng anila’y magpapatuloy ng pagbabagong sinimulan ng ama. Mga pangalan ng hindi kilalang tao o kaya naman ay ng masugid na tagasunod ng presidente ang naghain ng kanilang COC sa pagkapangulo at pagkabise-presidente habang hinihintay ang magiging pasya ng kanilang gustong maging standard-bearer sa halalan. Isang partido ang umaming placeholders o mga pansamantalang kandidato lamang ang mga pangalang kanilang inihain sa Comelec ngunit kalaunan ay binawi ito ng kanilang tagapagsalita. Sa ilalim ng Omnibus Election Code, pinapayagan lamang ang substitution kapag ang naghain ng COC ay pumanaw, umatras o nag-withdraw, o na-disqualify. Dapat ding manggaling sa kaparehong partido ang ipapalit.
Nakadidismayang parang hindi sineseryoso ng ilang mga pulitiko ang halalan. Kung tunay ang kanilang hangaring maglingkod sa bayan, hindi ba dapat nilang ihain sa atin ang pinakamahusay nilang kandidato? Kung dalisay ang kagustuhan ng mga pulitikong pamunuan ang ating bansa, hindi ba dapat na maging malinaw ang kanilang intensyong tumakbo sa halalan? Kung pinahahalagahan nila ang karapatan nating bumoto at tungkuling sumali sa buhay-pulitika ng bayan, hindi ba dapat nilang panatilihin ang integridad ng halalan simula pa lang ng paghahain ng kandidatura ng mga nais tumakbo? Ang ginagawang substitution ng ilang partidong pulitikal ay lantarang panunuya o mockery sa proseso ng ating eleksyon.
Mga Kapanalig, ang karapatang pumili ng ating mga lider ay maituturing na biyaya mula sa Panginoon. Sabi nga niya sa Deuteronomio 1:13, “pinapili ko kayo ng mga taong matalino, maunawain at may sapat na karanasan upang italaga kong tagapamahala ninyo.” Ang halalan ay isang pagkakataong ibinibigay sa atin upang isakatuparan ang habiling ito ng Diyos. Nakasalalay sa ating balota kung bibigyan natin ng pagkakataon ang mga sumasalaula sa integridad ng ating eleksyon.