265 total views
Pinabulaanan ng Mother Earth Foundation sinasabing mabuting maidudulot ng Waste To Energy Technology sa Pilipinas.
Iginiit ni MEF Chairman Sonia Mendoza, na hindi tunay na mura ang nakukuhang enerhiya mula sa mga basura na sinusunog.
Dagdag pa nito, malaking peligro ang idinudulot ng pagsusunog ng basura sa kalusugan ng mga residenteng malapit sa WTE plants.
Iminungkahi ni Mendoza na pinaka mabuti pa rin ang magbawas sa pagkonsumo ang bawat indibidwal upang mabawasan din ang kalat na nalilikha ng tao kada araw.
“Ang una pong dapat nating isipin sa basura ay iwasang lumikha ng basura, reduce your waste, reduce muna. Kasi po kapag nag waste to energy tayo kailangang po ng mga yan ng napakaraming basura para po kumita sila, yung tipping fee dun sila kikita, kapag kokonti po yun hindi sila kikita. Yun pong waste to energy, lumikha kayo ng lumikha ng basura, para meron tayong susunugin at makakuha tayo ng energy,” pahayag ni Mendoza sa Radyo Veritas.
Ayon sa National Solid Waste Management Commission noong 2013 ay nakalilikha ang mga tao ng 38,092 tonelada ng basura araw-araw, at sa huling pag-aaral noong 2014, nadagdagan pa ito at naging 38,757 tonelada kada araw.
Sinabi ng ahensya na tiyak na dadami pa ang mga basura sa bansa ngayong taon at maaari itong umabot sa 40,087 tonelada, kung saan 41 porsyento nito ay nagmumula sa Metro Manila.
Ayon kay Mendoza, kung itutuloy ng pamahalaan ang pagbili sa WTE Plant, ay aabot sa 650-million dollars ang gagastusin nito.
Matatandaang una nang pinuna ng Kanyang Kabanalan Francisco ang Throw Away culture o basta na lamang pagtatapon ng mga bagay na maaari pang muling magamit.
Dahil dito nakasaad sa Laudato Si ni Pope Francis na ang mundo ay tila nagiging isang malawak na tambakan ng basura, at ang dating kaakit-akit na paraisong likha ng Panginoon ay natakpan na ng mabaho at maruming kalat ng mga tao.