443 total views
Pinaalalahanan ng Kanyang Kabunyian Jose Cardinal Advincula ang bawat isa na pagtuunan ng pansin ang pagmimisyon at paglilingkod sa kapwa.
Ito ang mensahe ng Cardinal kasabay ng pagtalaga ng bagong kura paroko sa St. Francis of Assisi Parish sa Mandaluyong City kamakailan.
Ayon sa Arsobispo ng Maynila, dapat maging huwaran ng sangkatuhan si Hesus na naglingkod ng tapat kahit na walang posisyon at kapangyarihan sa lipunan.
“Authority must not be our primary concern, our primary concern should be service,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Paliwanag ng opisyal ng Simbahan na ang pagkamatay ni Hesus sa krus ang tunay na kahulugan ng paglilingkod kaya’t hamon nito sa mamamayan na magmalasakit sa kapwa upang maipakita ang taus-pusong paglingap.
Ito rin ang habilin ng Cardinal kay Capuchin Father Uldarico Camus bilang bagong pastol ng parokya na magiging gabay ng nasasakupang mananampalataya.
Ito rin ay paalala ng Simbahan sa bawat isa na maaaring maglingkod sa kapwa kahit walang kapangyarihan sa komunidad na kinabibilangan.
“Kahit hindi nakaposisyon, kahit walang kapangyarihan, pwede pa ring maglingkod sa kapwa; madalas pa nga ang posisyon at kapangyarihan ay nagiging hadlang upang tunay na maglingkod sa kapwa,” giit ni Cardinal Advincula.
Sinabi nitong kung layunin ng tao ang papuri at kapangyarihan hindi paglilingkod ang nais nito kundi pansariling interes lamang.
“Focus on serving others, focus on mission and honor and power will follow,” paalala ni Cardinal Advincula.
Ang parokya ng St. Francis of Assisi sa Mandaluyong na naitatag noong 1958 ay nasa pangangasiwa ng Franciscan Capuchin.