629 total views
Ipinag-utos ni Butuan Bishop Cosme Almedilla sa mga parokya ng diyosesis na magtalaga ng karagdagang misa sa paggunita ng Araw ng mga Banal at pag-alala sa mga yumao.
Ito ang tugon ng diyosesis sa pagsasara ng pamahalaan sa mga sementeryo sa November 1 at 2 upang mapigilan ang paglaganap ng COVID-19 sa bansa.
“All masses on November 1 and 2 will be celebrated in the parish, with additional timeslot, so social distancing is observed. The Prayers of the Faithful will be used for the souls in purgatory,” bahagi ng pahayag ni Bishop Almedilla.
Hinimok din ni Bishop Almedilla ang mga simbahan na magsagawa ng nobena para sa mga kaluluwa tuwing bago magsimula ang banal na misa.
Paanyaya ng obispo sa mananampalataya na makipag-ugnayan sa kanilang mga parokya para sa pagpapatala ng pangalan ng mga yumaong mahal sa buhay na isasama sa mga misa.
Sa Agusan Del Sur isasara sa publiko ang sementeryo sa October 29 hanggang November 3 habang ang Agusan Del Norte at Batuan City naman ay sarado sa November 1 at 2.
“If you wish to visit our Catholic cemeteries, you may do so before or after the dates specified,” dagdag ni Bishop Almedilla.
Mahigpit na paalala ng obispo sa mamamayan na makikiisa sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa mga simbahan ang pagsunod sa safety health protocol at maging ang mga dadalaw sa mga sementeryo.
Subalit mas hinimok ng diyosesis ang mamamayan na mag-alay ng panalangin kasama ang buong pamilya para sa paggunita ng mga yumaong kaanak.
“In place of visiting the cemetery, every family is highly encouraged to offer prayers in their homes for the beloved departed love ones,” ani ng obispo.
Bagamat nakitaan ng pagbaba ng daily COVID-19 cases sa bansa nangangamba pa rin ang mga eksperto na maaring dumami ang mahawaan kasunod ng pagluwag ng quarantine restrictions sa buong bansa.
Paalala sa bawat isa na maging maingat kahit na bakunado na laban sa virus upang maiwasan ang pagkahawa ng COVID-19.