460 total views
Umapela ng tulong ang ilang mga ampunan at rehabilitation center sa Diocese of Malolos dahil sa kawalan ng sapat na mapagkukunan ng pondo para sa kanilang mga inaalagaan.
Sa naging pagbisita ng Radyo Veritas at Caritas Manila sa Galilee Home Doña Remedios Trinidad Bulacan, ibinahagi ng tagapamahala nito na si Flora Fe Borbo ang kanilang sitwasyon sa gitna ng umiiral na pandemya.
Ayon kay Borbo, hindi naging madali ang pagpapatuloy ng kanilang operasyon dahil na rin sa kawalan ng mapagkukunan ng pondo para sa pangangailangan ng may nasa halos 60 mga kabataan at mga nakatatanda na nasa ilalim ng kanilang pangangalaga.
“During this pandemic po talagang nag-struggle kami. No’ng una, nakayanan pa po pero no’ng pangalawa [lockdown] even our donors talagang exhausted, ginagawa po namin kung ano nandiyan [pinagkakasya namin] pinapaliwanag na lang namin sa aming mga kasama na ito ‘yong buhay ngayon at mas naging fortunate na sila ay nandito kaysa nasa labas,” pahayag ni Borbo.
“Maliit man po o malaki ay very much appreciated namin, pareho po ang acceptance namin. Wala po kaming foundation, kung ano man ang donation sa amin ‘yon ang aming survival,” dagdag pa ni Borbo na ilang taon nang boluntaryong naglilingkod sa Galilee Home.
Ganito rin ang naging karanasan ng Emmaus House of Apostolate na matatagpuan din sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay Rev. Fr. Ruel Arcega, mabigat ang mga hamon na dala ng pandemya hindi lamang sa pangangailangan ng kanilang mga kinakalinga kundi maging sa suliranin sa kalusugan ng mga ito.
Gayunpaman, ipinagpapasalamat ng Pari ang mga patuloy na nagbabahagi ng pagtulong at pag-agapay sa may 60 mga nakatatanda na kanilang kinukupkop sa ngayon.
“Napakalaki ang naging epekto nito psychologically and emotionally dahil ‘yong takot na kapag napasok kami ng virus dito, madadali kaming lahat dito. Pangalawa, ‘yong mga tumutulong din, natatakot sila pero awa ng Diyos, may mga malalakas ang loob na mga generous people na kakatok sa gate at magbibigay at inaabot sa amin,” pahayag ni Fr. Arcega.
Tiniyak ng Pari na hindi tatalikuran ng Simbahan ang mga inabandona ng lipunan at sisikapin nilang mapangalagaan ito sa abot ng kanilang kakayanan.
“Minsan nakakalimutan natin itong mga abandoned, ang mga street children, mga walang tirahan at tinalukuran na. Kaya ang Emmaus [House of Apostolate] ay naipapadama sa mga least, last and lost na bahagi sila ng Simbahan at hindi sila tinalikuran ng Simbahan at sa bahagi ng pagtulong, lalo na sa [pamamagitan] ng mga volunteers natin naipapadama namin sa kanila na sila ay may mahal ng Diyos,” mensahe ng Priest Director ng naturang ampunan.
Para sa ano mang pagtulong sa mga nasabing institusyon maaring makipag-ugnayan sa mga sumusunod:
Facebook Account: Galilee Home DRT
Mobile Number 0995 630 6475, Flora Fe Bolbo/Rev. Fr. Joshua Panganiban
Facebook Account: Emmaus House of Apostolate
Mobile Number: 0926 711 8431, Rev. Fr. Ruel Arcega