357 total views
Inihahanda na ng Diocese of Baguio ang tulong para sa mga magsasaka na naapektuhan ng kalamidad sa lalawigan ng Benguet.
Ayon kay Rev. Fr. Noel Panayo, Social Action Director ng nasabing Diyosesis, malaki ang naging epekto ng bagyong Maring sa kabuhayan at mga pananim ng mga magsasaka sa kanilang lalawigan na dapat mabigyan ng pagtulong.
Sinabi ng Pari na pinag-usapan nila kung anong programa ang kanilang maibabahagi sa mga naapektuhang magsasaka.
“may inihahanda kami na project proposal for livelihood for farmers of Benguet kasi ang of course kailangan nila seeds. For relief hindi na masyado kasi may nagbibigay na LGU at mga candidates [for election]. Yun ang pine-prepare namin ngayon tignan lang namin ilan ba talaga ang severely affected municipalities.” Pahayag ni Panayo.
Magugunitang ilang mga lugar ang naapektuhan ng flashflood sa Benguet dahil sa pananalasa ng bagyong Maring na sumira aa mga pananim.
Kaugnay nito, una nang nagpahayag ng pagnanais na makatulong ang iba’t-ibang institusyon ng Simbahang Katolika para sa mga apektadong Diyosesis.
Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat si Puerto Prinsesa Bishop Socrates Mesiona sa mga nagnanais na makatulong sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Sa mensahe na ipinadala ni Bp. Mesiona sinabi nito na ilan sa kanilang mga kababayan ang nangangailangan naman ng tulong sa pagtatayo ng kanilang mga nasirang kabahayan.
“Any assistance is well appreciated. Maybe we can ask [for] assistance to rebuild lost houses.” pahayag pa ng Obispo.
Ang bagyong Maring ang ika-13 bagyo na pumasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong taong 2021 at naka apekto sa may 158,510 pamilya sa Luzon Region.