455 total views
Ipinagpasalamat ng Emmaus House of Apostolate ang tulong na ibinahagi sa kanila ng Pondo ng Pinoy para sa kanilang mga kinukupkop na nakatatanda.
Sa panayam kay Rev. Fr. Ruel Arcega sa segment na Pondo ng Pinoy sa Caritas in Action, ibinahagi nito ang kanilang pasasalamat sa Pondo ng Pinoy matapos mapagbigyan ang kanilang kahilingan na maipaayos ang isang bahagi ng tinutuluyan ng mga nasa kanilang pangangalaga.
“Napakalaki ng tulong ng Pondo ng Pinoy dahil no’ng ako ay dumating dito, meron kaming tirahan ng mga lola na kapag umuulan sa labas ay umuulan din sa loob. ‘Yon ang naging pangunahin naming misyon – ‘yong mabigyan sila ng lugar – kasi ‘yong Emmaus almost 37 years na, ‘yon iba hindi namin naayos ‘yong kanilang ward o tirahan.”
“Kaya naglakas loob ako na sumulat sa Pondo ng Pinoy upang ‘yong aming naipon na konti ay matulungan din kami at nadagdagan ng [Pondo ng Pinoy] kaya by 2019 na approved ito at napagawa ang isang ward ng lolo at lola.” pahayag ni Fr. Arcega.
Aminado si Fr. Arcega na hindi madali para sa kanila ang pagpapatuloy ng operasyon ng Emmaus dahil na rin sa kawalan ng sapat na mapagkukunan ng pondo.
Gayunpaman, tiniyak ng Pari na sa pamamagitan ng kanilang pagsisikap ay patuloy na maipapamalas ng Simbahan na hindi nito tinatalikuran ang mga inabandona lalo na ang mga nakatatanda.
“Minsan nakakalimutan natin itong mga abandoned, ang mga street children, mga walang tirahan at tinalukuran na. Kaya ang Emmaus [House of Apostolate] ay naipapadama sa mga least, last and lost na bahagi sila ng Simbahan at hindi sila tinalikuran ng Simbahan.”
“Sa [pamamagitan] ng mga volunteers natin naipapadama namin sa kanila na sila ma’y mahal ng Diyos,” dagdag pa ng Pari mula sa Diocese ng Malolos.
Patuloy na hinihikayat ni Fr. Arcega ang mga mananamplataya na suportahan ang Pondo ng Pinoy sapagkat ang bawat bente singko sentimos na naiipon ng institusyon ay nagiging daan upang matulungan ang mga mas higit na nangagailangan.
Magugunitang taong 2004 ng ilunsad ng noo’y Arsobispo ng Maynila ang programang Pondo ng Pinoy kung saan nag-iipon ng bente singko sentimos ang mga mananampalataya at ibinabahagi sa kanilang mga Parokya o Paaralan ng Simbahang Katolika.
Mapapakinggan ang ‘Pondo ng Pinoy sa Caritas in Action’ tuwing ikalawa at ika-apat na lunes ng buwan, mula ala-una y medya hanggang alas dos ng hapon.