409 total views
Muling umapela si Dumaguete Bishop Julito Cortes sa mamamayan lalo na ang mga lingkod ng Simbahan na magpabakuna laban sa coronavirus disease.
Ito ang mensahe ng Obispo kasunod ng pagsailalim ng Negros Oriental sa Alert Level 4 status ng quarantine restrictions hanggang sa katapusan ng Oktubre.
Sa Executive Order no. 38 ni Governor Roel Degamo, umaasa itong nabakunahan na ang mga religious ministers na mangangasiwa sa anumang religious activities sa lalawigan upang mabawasan ang matinding epekto ng COVID-19 sa kalusugan ng tao.
“Let me take this opportunity to once again encourage you and your parish and community personnel who have not been inoculated to please submit yourselves for vaccination,” bahagi ng liham sirkular ni Bishop Cortes.
Sa ilalim ng bagong kautusan ng lokal na pamahalaan pinahihintulutan lamang ang 10 porsyentong kapasidad sa indoor activities habang 30 porsyento naman sa outdoor events kabilang na ang religious gatherings.
Binigyang-diin ni Bishop Cortes na ang pakikiisa sa panawagan tulad ng pagbabakuna ay maituturing na pastoral charity bilang pangangalaga sa kalusugan ng bawat isa.
“All these we do in the spirit of pastoral charity and sensitivity to the needs of the times,” dagdag pa ng Obispo.
Kabilang sa mga pahihintulutang dumalo ng pisikal sa mga gawain ang edad 18 hanggang 65 taong gulang na malusog ang pangangatawan at mas mainam kung nakatanggap na ng kompletong bakuna laban sa virus.
Muling ipinag-utos ng Obispo ang payak na pagdiriwang ng Banal na Misa upang malimitihan ang posibleng pagkalantad ng mamamayan lalo na sa closed areas.
Mahigpit pa ring ipatutupad ang safety health protocol tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield, paghuhugas ng kamay kasama na ang hand sanitizers at pagtiyak sa physical distancing sa loob at labas ng simbahan.
“Kindly limit the singing to the essential parts of the Holy Mass in order to shorten the exposure of each person to the community,” giit ni Bishop Cortes.
Bagamat nakitaan ng pagbaba ng daily COVID-19 cases sa bansa nangangamba ang mga eksperto na maaring tumaas ang kaso ng mga mahawaan kasunod ng pagluwag ng quarantine restrictions at pagkakaroon ng mga super spreader events sa iba’t ibang bahagi ng bansa.