340 total views
Nanawagan ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa mga hindi pa nakapagpaparehistro na samantalahin na ang nalalabing araw ng pinalawig na voters registration ng Commission on Elections (COMELEC).
Ayon kay Bro. Roquel Ponte -Pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas, ang pagpaparehistro ng mga kuwalipikadong botante ay ang unang hakbang upang mapabuti ang kalagayan ng buong bansa sa pamamagitan ng paghahalal ng mga karapat-dapat na lider
Partikular na nanawagan si Ponte sa mga kabataang first time voters at sa mga botanteng hindi nakalahok sa dalawa o mahigit pang halalan na magparehistro sa mga tanggapan ng COMELEC sa buong bansa.
Giit ni Ponte ang pakikilahok sa nakatakdang 2022 National and Local Elections ay isang mahalagang tungkulin na dapat gampanan ng bawat mamamayan upang muling maiahon at mapabuti ang kalagayan ng buong bayan.
“This is a call from Sangguniang Laiko ng Pilipinas, we call on all peace loving Pilipinos especially those who really want move our country to greater place, prosperity and success let us all participate in the coming elections next year by first and foremost mag-register muna tayo, yung mga nag-lapse registration saka mga new registrants. We hope and pray that we will take on the very important task of helping our nation.” pahayag ni Ponte sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, mayroon na lamang hanggang sa ika-30 ng Oktubre, 2021 ang mga hindi pa nakapagpaparehistro upang samantalahin ang pinalawig na voters registration ng COMELEC para sa 2022 National and Local Elections.
Bukod dito, pinalawig na rin ng COMELEC ang oras ng voters registration sa mga tanggapan nito mula alas-otso ng umaga hanggang alas-syete ng gabi habang may ilang partikular din na mga lugar sa bansa na pinahintulutan ang weekend registration hanggang sa araw ng Sabado kabilang na sa Metro Manila; munisipalidad ng Alcala at San Quintin sa Pangasinan; Tarlac City at munisipalidad ng Capas at Concepcion sa Tarlac; Quezon province; Labo, Camarines Norte; Castilla, Sorsogon; at mga syudad ng Cebu, Mandaue at Lapu-Lapu sa Cebu province.