313 total views
Itinuturing na malaking biyaya ni Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Founding Chairperson Former Ambassador Henrietta de Villa ang paggunita ng ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag sa organisasyon kasabay ng paggunita ng bansa sa ika-500 annibersaryo ng pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Ayon kay de Villa, naaangkop ang paggunita ng ika-30 anibersaryo ng PPCRV sa 500 years of Christianity in the Philippines at anibersaryo ng Second Plenary Council of the Philippines kung saan nabuo ang organisasyon.
Pagbabahagi ni de Villa, maituturing na hamon ang paggunita ng bansa ngayong taon sa Year of Missio Ad Gentes sa patuloy na misyon ng PPCRV na tuwinang maging handa sa paglilingkod sa Diyos at sa bayan sa pamamagitan ng pagbabantay sa katapatan at kaayusan ng sistema ng halalan.
“Napakalaking biyaya na ang anibersaryo ng PPCRV 30th anniversary ay within the embrace of the 500 anniversary of Christianity in the Philippines at we also share the 30th anniversary of the Second Plenary Council of the Philippines PCP-II, doon po nanggaling ang PPCRV,” ang bahagi ng pahayag ni PPCRV Founding Chairperson, Former Ambassador Henrietta de Villa.
Paliwanag ni de Villa, binigyang-diin rin sa naganap na PCP-II na kabutihan ang tunay na diwa ng pulitika dahil sa dapat na pagtutok nito sa common good, pagsusulong ng kalayaan ng bansa at pagpapabuti sa kapakanan ng bawat mamamayan.
Gayunpaman ibinahagi ni de Villa ang patuloy na hamon na kinahaharap ng lipunan mula sa maling pagpapakahulugan at pagsasabuhay ng mga opisyal ng bayan sa tunay diwa ng pulitika dahil sa pansariling interes.
“Ang PCP-II also emphasized that politics is good, mabuti dapat ang pulitika kasi politics is to serve the common good at ipagmalasakit ang kalayaan ng bansa, ang kapakanan ng bawat isa at lahat ng mamamayang Pilipino lalong lalo na yung mga nakakalimutan, yung mga sinasantabi, yung mga mahihirap at yung nawawala but we also saw sa PCP2 na yung pagsasabuhay at pagpapractice ng pulitika dito sa atin noong panahon na yun ay siyang nagiging malaking balakid the greatest hindrance and obstacle to a good Christian life and to a renewed Philippine society, ganun po noon, ganun din po ngayon mas masahol pa,” dagdag pa ni de Villa.
Giit ni de Villa, sa pamamagitan ng pagsasabuhay sa mga panlipunang turo ng Simbahan ay hindi mawawala o malilinlang ang mga pulitiko lalong lalo na ang mga botante sa tunay na diwa ng pulitika na dapat ay para sa kabutihan ng bawat isa.
Matapos na manawagan ang mga Obispo sa isinagawang Second Plenary Council of the Philippines sa pagpapatupad ng reporma sa halalan sa Pilipinas ay opisyal na ilunsad noong buwan ng Obtubre taong 1991 ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV bilang isang independent, non-profit at non-partisan organization na tagapagbantay ng Simbahan sa halalan sa bansa.
November 1991 ng inendorso ng dating Pangulo ng CBCP na si Archbishop Leonardo Legazpi ang PPCRV bilang isang nationwide movement na simula ng pagtatatag ng iba’t ibang diyosesis at arkidiyosesis ng kani-kanilang PPCRV chapters sa buong bansa.