350 total views
Ang bawat isa ay inaanyayahan upang tularan ang mga unang apostoles sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos sa kabila ng anumang pag-uusig.
Ito ang bahagi ng pagninilay ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle – Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples sa kanyang Banal na Misa sa Pontificio Collegio Filippino.
Ayon sa Cardinal, nawa ang bawat isa ay maging tulad ng mga apostoles na sa kabila ng pag-uusig ay hindi nagpapatinag sa kanilang misyon na ibahagi ang Salita ng Diyos sa nakararami.
“Ang paanyaya po sa atin sa taong ito, hindi lang naman ngayon kundi lalo na sa taong ito ay tularan ang mga unang apostoles na bagamat sila ay inuusig, pinatatahimik, pinatitigil sa kanilang pagpapahayag ng Salita ng Diyos tungkol kay Hesus sabi nila ‘ang Diyos ang aming susundin at papaano kami tatahimik, hindi maari naming itago ang aming nakita, ang aming narinig tungkol kay Hesus’, ganyan sana tayong lahat, dahil narinig natin si Hesus, dahil nakita natin si Hesus buong sigla naipapahayag natin siya, hindi napipilitan, hindi mabigat ang loob.” pagninilay ni Cardinal Tagle.
Ibinahagi Cardinal na ang tunay na diwa ng pagmimisyon ay ang pababahagi ng mga naranasan at nasaksihan mula sa pagsasabuhay sa Salita ng Diyos sa kabila ng pagsubok o pag-uusig.
“This is the spirit of mission, we have seen, we have heard the word of Life of Jesus and it is a very beautiful experience we cannot stop talking about it, we cannot stop sharing even in the midst of difficulties and challenges” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Kaugnay nito tema ng World Mission Day 2021 ngayong taon ang “We cannot but speak about what we have seen and heard” kung saan mariing nananawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco sa bawat isa na higit pang pag-ibayuhin ang pagbabahagi ng Mabuting Balita ng Panginoon lalo na sa kasalukuyang panahon kung saan humaharap ang bawat isa sa malawak na krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.