459 total views
Nanindigan si Diocese of Balanga Bishop Ruperto Santos na hindi na muling mabubuhay ang Bataan Nuclear Power Plant na natapos buuin noong taong 1984.
Ayon kay Bishop Santos, matagal nang napagkasunduan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan at Diyosesis ng Balanga na huwag nang pahintulutang makapagsagawa ng operasyon ang nasabing planta na matatagpuan sa bayan ng Morong.
Sapagkat ayon sa Obispo, hindi na ito dapat muling pag-usapan pa dahil hindi na rin ito makakatulong para sa ekonomiya ng bansa partikular na sa suplay ng kuryente, gayong kaakibat nito ang panganib sa kalikasan maging sa kalusugan ng mga tao.
“Here in Bataan with the Church and Provincial LGU, we have already decided and publicly declared that it will never be rehabilitated. It is dead. It is not an issue here and never will be beneficial to our country,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Sinabi rin ni Bishop Santos na ngayong eleksyon, muli na namang binubuhay ang usapin hinggil sa Nuclear Power Plant na tila ginagamit na lamang ito bilang political propaganda para sa pansariling kapakanan.
“Whenever there are national issues, now with election, this Bataan Nuclear Power Plant like Frankenstein is being resurrected…political propaganda whom those propagating are only after vested self-interest,” saad ni Bishop Santos.
Taong 1984, panahon ng diktaturyang administrayon ng namayapa at dating Pangulong Ferdinand Marcos nang matapos ang pagbuo sa P2.3-bilyong Bataan Nuclear Power Plant.
Bagamat sinasabing makatutulong ito upang mapababa ang suplay ng kuryente sa bansa, patuloy pa rin itong tinututulan ng iba’t ibang grupo at mambabatas dahil isinasaalang-alang naman ang magiging masamang epekto nito sa kalikasan.
Ito’y dahil nilalaman ng nasabing planta ang iba’t ibang kemikal na maaaring magdulot ng radiation na lubha namang mapanganib sa kapaligiran lalo’t higit sa kalusugan ng mga tao kapag nalantad dito.