334 total views
Hinimok ni Archdiocese of Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na magbuklod bilang pamilya at sama-samang ipanalangin ang mga namayapang mahal sa buhay.
Ito ang mensahe ng arsobispo kasunod ng pagpapasara ng mga sementeryo sa bansa sa All Saints at All Souls Day bilang hakbang ng pamahalaan upang maiwasan ang muling pagdami ng mga mahawaan ng coronavirus.
Binigyang diin ni Cardinal Advincula na makabuluhan ang pagbubuklod ng pamilya sa panalangin tanda ng pagmamahal sa mga yumaong kaanak.
“Maaari tayong magsama-sama bilang pamilya; hindi man natin sila madalaw sa sementeryo, alam natin na ang mga panalangin na iaaalay natin para sa kanila ay tanda ng ating pagmamahal at pag-alaala sa kanila,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, nagpalabas ng kopya ng panalangin ang Liturgical Commission ng arkidiyosesis para gamitin ng bawat pamilya sa paghandog ng mga panalangin sa mga yumao.
Maaring makuha ng mamamayan ang kopya ng panalangin sa Facebook pages ng mga simbahan ng arkidiyosesis upang mas mabigyang pagkakataon ang bawat isa na alalahanin sa mga tahanan ang mga pumanaw na kaanak sa halip na dumalaw sa puntod.
Hinikayat din ng Cardinal ang mananampalataya na dumalo sa banal na misa at ialay sa panalangin ang mga yumao lalo na sa November 1 at 2 kung saan nagtalaga ng misa ang mga simbahan para sa natatanging intensyon.
“Bagama’t sarado ang mga sementeryo, maaari pa din nating gunitain ang ating mga minamahal na yumao sa pamamagitan ng pag-aalay ng dasal at Misa para sa kanila. Maaari tayong magsimba sa November 1 at 2 at ialay ito para sa mga kapatid nating yumao,” ani Cardinal Advincula.
Matatandaang inanunsyo ng Inter-Agency Task Force ang pagsasara ng mga sementeryo sa bansa mula October 29 hanggang November 2 upang maiwasan ang pagdagsa ng mamamayan at maging ligtas sa pagkalat ng COVID-19.
Samantala, naglunsad naman ang Radyo Veritas ng ‘PANALANGIN, PAG-ALALA, at PAGKILALA‘ sa yumaong mahal sa buhay kung saan maaaring makipag-uganayan sa himpilan ang nais mag-alay ng panalangin sa mga yumao at E-Mass Card.
Tumawag lamang sa 8925-7931 hanggang 39 local 129 o sa 0917-631-4589 at makipag-ugnayan kay Renee Jose ang tagapangasiwa ng Religious Department ng himpilan.