379 total views
Ibinahagi ni Manila Mayor Isko Moreno na pagtutuunan nito ang pagsasaayos sa mga MSMEs (Micro, Small and Medium Enterprises) na labis naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa alkalde mahalagang tulungang makabangon ang maliliit na negosyo sa bansa upang makabalik ang mga manggagawa na nawalan ng pagkakitaan dahil sa pandemya.
“Ramdam ko ang hirap na dinanas ng milyong manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. Paano natin sila ibabangon? We have a plan. And it is similar to what I did in Manila,” bahagi ng pahayag ni Moreno.
Ibinahagi ni Moreno na balak nitong ipatutupad ang ‘Marshall Plan’ tulad ng ginawa ng mga bansa sa Europa sa economic recovery matapos ang World War II.
Kabilang sa mga gagawin ang pakikipagtulungan sa mga Local Government Unit at mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Trade and Industry at Department of Agriculture, Land Bank and Development Bank of the Philippines na babalangkas ng programa para sa MSMEs.
“The other part of the Marshall Plan is giving out loans, through LGUs, using their Mandanas incremental windfall to assist MSME’s through low interest loans. Ang tawag po diyan ay CREATIVE FINANCIAL ENGINEERING or ISKOnomics 102.” said Moreno. (ISKOnomics 101 refers to the 50 percent tax cut on fuel and electricity under the principle of DELAYED GOVERNMENT GRATIFICATION),” ani ng alkalde.
Binigyang diin ni Moreno ang resulta ng Mandanas Ruling ng Korte Suprema kung saan ang IRA (internal revenue allotment) ay nakatakdang tataasan ng 55 percent sa 2022 budget na aabot sa 1.08 trillion pesos o katumbas ng 4.8 percent sa gross domestic product ng bansa kumpara sa 3.5 percent nitong 2021.
Sa tala binubuo ng mga MSMEs ang 99.5 percent sa mga negosyo sa Pilipinas na nagbibigay trabaho sa 63 porsyento sa total workforce.
Sa naturang bilang ang Micro Enterprises ang pinakamalaking bahagdan sa 89 percent (891,044), Small Enterprises sa 10 percent (99,936) at ang Medium Enterprises sa 0.5 percent (41,765).
Bukod pa rito ang 40-percent na ambag ng maliliit na negosyo sa gross domestic product (GDP) ng bansa.
Samantala, sinabi ni Moreno na dapat paigtingin ng mga LGU ang paglalaan ng pondo para sa karaniwang pangangailangan ng mamamayan.
Sa halos tatlong taong pagiging alkalde ng Maynila nagpatayo ito ng mga imprastrakturang kapaki-pakinabang sa mga residente kaakibat ang pagkakaroon ng trabaho sa mamamayan.
Kabilang na rito ang mass housing project tulad ng Basecommunity, Tondominium 1 at 2, Binondominium 1 at 2; Pedro Gil at San Sebastian Residences na kasalukuyang ginagawa.
Bukod sa pabahay pinalawak din ng pamahalaan lunsod ang mga ospital na tumutugon sa krisis pangkalusugan tulad ng 344-bed Manila COVID-19 Field Hospital sa Quirino Grandstand, 10-story Ospital ng Maynila at ang President Corazon C. Aquino General Hospital na itinayo sa Basecommunity compound.