379 total views
Ang mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) o mga bilanggo ay kabilang sa mga sektor na tinutukoy ng Kanyang Kabanalan Francisco na hindi dapat makalimutan kaugnay sa proseso ng isinasagawang Synod on Synodality ng Simbahang Katolika.
Ito ang ibinahagi ni Diocese of Legazpi Bishop Joel Baylon – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care kaugnay sa napapanahong paggunita ng 34th Prison Awareness week sa bansa kasabay ng Synod on Synodality na isinasagawa ng Simbahang Katolika.
Ayon sa Obispo, bahagi ng panawagan ng Santo Papa Francisco para sa pagsasakatuparan ng Synod on Synodality ay ang pakikipagkwentuhan at pakikipaglakbay sa mga sektor na nakakalimutan na sa lipunan tulad na lamang ng mga bilanggo.
Paliwanag ni Bishop Baylon, bukod sa pagpapadama ng pagmamahal ng Panginoon sa pamamagitan ng pagkalinga sa mga bilanggo ay mahalaga ring maipadama sa mga ito ang kanilang patuloy na pagiging bahagi ng Simbahan sa kabila ng kanilang pagkakamali na nagawa sa buhay.
“I think this is what Synod on Synodality is all about yung panawagan ng Santo Papa sa atin na yung mga kapatid nating nasa laylayan na tinatawag ngayon, yung mga nakakalimutan na ito ang tinatawag niya tayo na makipagkwentuhan, makipaglakbay sa kanila and ang mga PDLs are exactly the very persons that we are supposed to be dealing with, talking about, hindi lang para magdala tayo ng kalinga, ng pagmamahal ng Diyos kundi para makita natin ang Diyos, para maging Simbahan tayo, para we can assure them that they are also part of the church.” pahayag ni Bishop Baylon kaugnay ng 34th Prison Awareness week.
Samantala, inialay naman ni Bishop Baylon sa mga naglilingkod sa prison ministry ng Simbahan partikular na sa mga bilanggo sa buong bansa ang isang taong anibersaryo ng online program ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na may titulong “Narito Ako, Kaibigan Mo!” na unang natunghayan sa pamamagitan ng livestreaming noong October 13, 2020 na naglalayong maibukas ang kamalayan ng bawat isa sa kalagayan ng mga bilanggo maging sa gitna ng panahon ng pandemya.
“Itong gawain na ito na isang taon na nating ginagawa ay sa kapakanan ng mga kapatid nating mga PDLs. So gusto kong batiin kahit wala sila access sa atin ngayon, maybe ang ilan siguro may pagkakataon o tyansang mapanuod tayo pero para sa kanila itong ginagawa nating ito, itong Prison Awareness Week ay para sa kanila talaga, hindi lang para sa mga naglilingkod at tumutulong sa kanila, so isang pagbati ko sa lahat ng mga kapatid natin na PDLs.” Pagbabahagi ni Bishop Baylon.
Tema ng 34th Prison Awareness Week ngayong taon ang “The Jail / Prison Chaplains and Volunteers: Gifted To Give Love that Restores Life, Hope and Healing to the Prison Community” na layuning bigyang halaga ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga naglilingkod sa mga bilangguan.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan, ang bilanguan ang dapat na magsilbing pansamantalang tuluyan ng mga naligaw ng landas sa lipunan at nararapat na maging daan sa muling pagbabalik ng kabutihan sa puso at isip ng mga nagkasala.