355 total views
Iminungkahi ng transport at commuters group na MOVE AS ONE COALITION ang panunumbalik ng higit sa 9,000 units ng mga pampasaherong jeepney sa Metro Manila upang makabalik rin ang mga jeepney drivers sa kanilang hanapbuhay.
Ito ay bilang tugon sa pagsusulong ng Department of Transportation (DOTr) sa panunumbalik ng 100% seating capacity sa lahat ng mga pampublikong transportasyon sa Metro Manila na naisumite na ng kagawaran sa Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Ayon sa miyembro ng grupo na si Reycel Hyacenth Nacario Bendaña, dapat tugunan ng pamahalaan ang financial support sa drivers at payagan ng makabiyahe ang ito sa halip seating capacity ang inuuna ng pamahalaan.
“Hindi seating capacity ang problema ngunit ang 1) kakulangan ng supply dahil sa pagbabawal nilang bumyahe ang mga PUV units at 2) kabagalan sa pagdisburse ng pondo na dapat sana sumusuporta sa mga PUV units para hindi malugi at tuluyang bumiyahe,” Ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bendaña.
Hiniling naman ng ALTMOBILITY PH ang panunumbalik operasyon ng mas maraming units ng mga Public Utility Vehicle (PUV) upang makasabay at matugunan ang dami ng tao na gumagamit ng mga pampublikong transportasyon sa Metro Manila.
“If the main purpose po is to increase supply, we think that mas important mag-dagdag ng deployed fleets, Kulang na kulang po ng puv supply, as observed sa mahahabang pila at matagal makasakay,” pahayag sa Radio Veritas ni Jedd Ugay, Chief Mobility Officer ng grupo.
Buhat ng magsimula ang pandemya ay una ng nag-abot ng tulong Pinansyal at pagkain ang Caritas Manila sa mga naapektuhang Public Utility Jeep drivers mula sa Tondo, Navotas, Taguig, Pasay at Caloocan City at Quezon city kung saan layunin ng Social Arm ng Archdiocese of Manila na matulungan ang may 10,000 jeepney drivers mula sa Metro Manila.