350 total views
Makabuluhan at makapangyarihan ang boto ng bawat mamamayan para sa bayan.
Ito ang paalala ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) kaugnay sa papalapit na 2022 National and Local Elections partikular na sa pagtatapos ng pinalawig na voters registration ng Commission on Elections (COMELEC).
Sa pagbabalik tanaw ng organisasyon sa unang serye ng CEAP’s 2022 Election Engagement na may titulong ‘Tender Love n’ Citizenship: Ways to be Involved in the 2022 Elections’ ay muling binigyang diin ng CEAP ang pagsusulong ng ‘engaged citizenship’ para sa pagkakaroon ng ganap na pagbabago sa lipunan na nakapaloob sa Catholic Social Teaching na dapat na ganap na isabuhay ng bawat Kristiyano.
Kaugnay nito, sinabi ni COMELEC Commissioner Ma. Rowena Amelia Guanzon na nakasalalay sa boto ng bawat mamamayang Pilipino ang kaledad ng paglilingkod sa bayan ng mga maihahalal na opisyal sa nakatakdang halalan.
“The choice on the quality of government will depend on the vote Pilipino, I still have a lot of faith in young people.” bahagi ng mensahe ni Guanzon sa unang serye ng CEAP’s 2022 Election Engagement webinar.
Ibinahagi ni Guanzon na nakasalalay sa nakatakdang halalan ang kinabukasan ng bansa.
Samantala, binigyang diin naman ni Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm – Co-Executive Secretary ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) na ang pagboto ay isang pagpapamalas ng bawat isa sa kalayaan na pumili sa pagitan ng mabuti at masamang pamamahala.
“To vote is an exercise of our freedom, freewill to choose between good governance from bad governance; either you side with righteousness or wickedness, between goodness or evil.” pahayag ni Fr. Buenafe
iginiit ni Buenafe na mahalagahg manindigan ang bawat isa sa katotohanan, katapatan at kabutihan sa pagpili ng mga karapat-dapat na opisyal ng bayan upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga opisyal na tanging pansariling interes lamang ang pinahahalagahan at hindi ang kapakanan ng mamamayan.
“Why don’t we choose instead righteousness and goodness, honest and capable public servants over popular, money and corrupt politicians instead of submitting ourselves to I cannot find other adjectives than evil like leaders, why don’t we choose otherwise.” Dagdag pa ni Fr. Buenafe.
Una ng binigyang diin ng pamunuan ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) na sadyang napakahalaga ng nakatakdang halalan para sa kinabukasan at demokrasya ng bansa.
Sinabi ng Pari na naaangkop na maunawaan ng taumbayan ang kahalagahan ng boto ng bawat isa at matalinong pagpili ng mga karapat-dapat na ihalal na mga opisyal ng bayan sa pamamagitan ng gabay ng mga panlipunang turo ng Simbahan tulad ng nasasaad sa election campaign na One Godly Vote para sa nakatakdang 2022 National and Local Elections.(reyn)