365 total views
Pinaalalahanan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na bilang binyagan bawat isa ay isinugo upang ibahagi si Hesus.
Ito ang pagninilay ng arsobispo sa kapistahan ni San Judas Tadeo sa misang ginanap sa National Shrine of St. Jude Thaddeus sa Manila.
Ayon kay Cardinal Advincula tulad ng mga apostol lahat ng binyagang kristiyano ay inaanyayahang maging misyonerong naghahatid ng mabuting balita sa lipunan.
“My dear brothers and sisters, we have much to learn from St. Jude Thaddeus. Katulad niya, tayo ay tinatawag ni Hesus na maging alagad; ang bawat binyagan ay alagad ni Hesus; at bilang mga alagad tayo din ay isinusugo upang ipahayag si Hesus,” bahagi ng homilya ni Cardinal Advincula.
Paliwanag pa ng cardinal na ang paghahayag kay Hesus sa kapwa ay magagawa sa pamamagitan ng mga gawain sa araw-araw tulad ng pagsusumikap na maging mabuti, maunawain, mapagpatawad, mapagbigay at higit sa lahat ang mapagmahal.
“In simple and ordinary ways, we can be apostle of Jesus,” ani Cardinal Advincula.
Binigyang diin ng arsobispo na maisasakatuparan lamang ito kung ang bawat isa ay nakaugat sa pag-ibig ni Kristo at may malalim na ugnayan sa Panginoon.
Sinabi nitong nakababahala ang paghahayag ng salita ng Diyos kung hindi nakaugat kay Kristo ang tao sapagkat maaaring kuro-kuro at sariling opinyon lamang ang maibabahagi sa kapwa.
“Ang tunay na alagad ay ipinahahayag si Hesus dahil mayroon siyang malalim na ugnayan sa Panginoon,” dagdag ng Cardinal.
Sa banal na misa, muling hiniling ni Cardinal Advincula sa mamamayan ang sama-samang pagluhog sa pamamagitan ni San Judas Tadeo na matapos na ang krisis pangkalusugan bilang ang santo ay tinaguriang patron ng mga imposibleng bagay.
Pinasalamatan ni Cardinal Advincula si Fr. Lino Nicasio, SVD and rector at parish priest ng pambansang dambana at ang Society of the Divine Word congregation na nangangasiwa sa lugar.
Bukod sa nasasakupang mananampalataya, at SVD family dumalo rin sa pagtitipon si Sri Lankan Ambassador to the Philippines Shobini Gunasekera at mga kasamahan.