193 total views
Kapanalig, narinig mo na ba ang mga katagang ethical consumerism? Ito ay ang pagbili ng mga produkto at serbisyo na hind nagdudulot ng pinsala sa ating lipunan at kalikasan. Ito rin ay pag-iwas sa mga produkto at serbisyo na may negatibong epekto sa ating lipunan at kapaligiran.
Dapat na nating ipraktis ito sa ating bansa. Umaabot na sa 2.7 milyong tonelada ang mga plastic wastes na nalilikha natin taon-taon. Tinatayang bente porsyento pa nito ay napupunta sa karagatan. Isipin mo kapanalig, ang basura mo hindi lamang kalupaan ang binabara, pati karagatan, dinudumihan na. Ang bawat plastic na ating kinakalat ay sumisira ng ating kalikasan. Sa pagkasira ng ating kalikasan, tayo din ang maapektuhan.
Ayon nga sa World Bank, 28% lamang ng ating mga key plastic resins ang narecyle sa bansa noong 2019. Nalulugi tayo ng mahigit pa sa US$890 million kada taon kapag hindi natin narerecyle ang mga pwede namang marecycle na plastic products. Sayang ito. Noong 2019, umabot na ng 85% ang recycling gap sa bansa natin. Mas marami ang ating kinokonsumong plastic kaysa sa narerecycle natin. Saan ba sa tingin nyo napupunta ang mga plastic na hindi natin nagagamit muli?
Kapanalig, sa mga bansang gaya natin, ang plastic ay mahalaga. Mura kasi ito, at at dahil mahirap tayo, mas pinipili ng mga tao ang produktong mura. Kaya lamang, mura man ang mga ito ngayon, mahal naman ang kabayaran nito sa kalaunan. Buhay natin ang magiging presyo nito.
Unang-una, banta ito sa ating kaligtasan. Ang plastic na ginamit at tinapon mo ngayon ay babara sa ating katubigan at alkantariya. Ang balik sa atin, malawakan at mataas na pagbaha. Ang plastic na napunta sa karagatan ay lason sa mga isda sa dagat. Kabuhayan at pagkain din ng mamamayan naman ang apektado nito. Ang plastic din kapag nasunog, dadagdag pa sa emisyon na nagpapa-init ng mundo.
Kaya nga’t ang ethical consumerism ay isa mga tawag ng ating panahon ngayon. Mahirap asahan na sa mga manufacturers mismo manggaling ang pagbabago. Ngunit sa ating panig, maaari nating simulan ito. Huwag na bumili ng mga produktong sobra ang plastic packaging, at kung maari, wag na bumili ng may plastic. Sa palengke, mas marami na ngang gumagamit ng papel para sa packaging. Baka maari nating gawin din ito.
Kapanalig, ang Laudato Si, bahagi ng Panlipunang Turo ng Simbahan, ay inuudyukan tayong bitiwan na ang “culture of waste.” Kailangan nating manindigan para sa ating kalikasan—atin itong protektahan. Isang paraan dito ay ang ethical consumerism—ang pagbili lamang ng ating kailangan, at pag-iwas sa mga produktong sisira sa ating kalikasan at kinabukasan.
Sumainyo ang Katotohanan.