403 total views
Kapwa may pananagutan ang mga pulitiko at botante sa usapin ng talamak na Vote Buying tuwing sasapit ang halalan.
Ito ang binigyang diin ni 1987 Constitutional Framer at Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa usapin ng Vote Buying na isa sa mga suliranin tuwing sasapit ang halalan sa bansa.
Ayon sa Obispo, mas malaki ang pananagutan ng pulitiko na nag-aalok o bumibili ng boto ng mga botante.
Sa kabila nito nilinaw ni Bishop Bacani na sa pagkakataong nagkamali ang isang botante at tumanggap ng pera mula sa sinumang pulitiko ay wala pa ring obligasyon ito na iboto ang bumili ng kanyang boto.
Ipinaliwanag ng Obispo na walang obligasyon ang sinuman na tupdin o tuparin ang isang immoral na kasunduan tulad na lamang ng Vote Buying na tila pagbibenta ng bayan sa kamay ng mga pulitikong pansariling interes lamang ang pinahahalagahan.
“Parehong may pananagutan ang politiko at voters pag may vote buying. Mas malaki ang pananagutan ng politico kasi siya ang nag-aalok. Hindi dapat tumanggap ng bayad para sa boto. Pero kung nagkamali na na tumanggap walang obligasyon ang botante na bumoto para sa namili ng boto. No person is obliged to fulfill an immoral contract.” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas
Samantala binigyang diin rin ng Commission on Election (COMELEC) na isang election offense ang pamimili ng boto ng mga pulitiko kung saan nasasaad sa Omnibus Election Code na nangunguna sa listahan ng election offense ang Vote Buying at Vote Selling.
Batay sa nasabing batas sakaling mapatunayan mahaharap ang bumili ng boto at mga kinasangkapan nito gayundin ang humingi o tumanggap ng anumang halaga sa pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon, bukod dito maari din madisqualify ang isang pulitiko mula sa public office at maaring mawalan ng karapatan na bumoto.
Kaugnay nito patuloy ang panawagan ng Simbahan para sa pagpapairal ng One Godly Vote sa nakatakdang 2022 National and Local Elections o ang pakikisangkot sa kabuuang proseso ng halalan sa pamamagitan ng gabay ng mga panlipunang turo ng Simbahang Katolika.