399 total views
Ipinaparating sa pamahalaan ng Power for People Coalition (P4P) ang mungkahi ng pagkakaroon ng mas matagalang solusyon sa suliranin ng patuloy na pag-taas sa presyo ng mga bilihin.
Ito ay kaugnay sa Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) Inflation Rate Forecast para sa buwan ng Oktubre na maaring umabot sa pagitan ng 4.5% hanggang 5.3% kumpara noong Setyembre na naitala naman sa 4.8%.
Ayon sa Lead Convenor ng Grupo na si Gerry Arances, maari ding makatulong na hindi na dumipende pa ang pamahalaan sa pag-gamit ng mga ‘Coal’ at ‘Fossil Fuels’ .
“Alam na natin na magaganap ito so may kailangan talagang konkretong aksyon at siempre mga stratehikong aksyon, kasi itong pangyayari na ito ay hindi ito ngayon lang nangyayari, matagal na nating sinasabe na yung paano natin pinaplano yung buong power sector na masyadong dependent kumbaga sa pag-aangkat ng coal at ng gas ay talaga namang problema,” pahayag ni Arances Radio Veritas
Pinangangambahan rin ni Arances ang posibilidad ng pag-tataas ng langis at kuryente sa mga paparating na buwan dahil sa pagsisimula ng tag-lamig sa mga nangungunang bansa na gumagawa at komokunsumo ng mga produktong petrolyo at enerhiya.
“Ang isang importanteng konstekto nito ay papasok na ang winter ng Europa at Estados Unidos at yung mga nasa northern hemisphere at majority ng mga bansang yan ang heating system nila naka-depende talaga sa fossil gas so talagang ida-drive nito pataas ang demand ng gas,” ayon din kay Arances.
Kinundena ni Arances ang kakulangan ng aksyon mula sa DOE upang matiyak na magiging mababa ang singil sa kuryente ng mga nangungunang electric company sa bansa na patuloy paring pinahihirapan ang maraming consumers ng bansa higit na ngayong panahon kung saan nararanasan ang pandemya.
“Isang bagay lang yun transparency pagdating sa presyuhan, ang sinasabi natin mismo ay baguhin ang preference pagdating sa pricing dahil hindi yan maka-electric consumer, labag yan sa batas under, sa batas na meron tayo na dapat ang tinatamasang presyo ng mga electric consumers ay “least of” sapagkat hindi yan least of, sa totoong buhay ang pinakamahal na nagsusuplay ng kuryente sa bansa natin ay ang Coal at Fossil Gas,” pagpapaliwanag ni Arances.
Pinuri naman ng grupo ang pagtutuon ng gobyerno sa pagsusulong ng Solar Pannels na isang pamamaraan upang magkaroon ng malinis na enerhiya na makakabuti hindi lamang para sa kalikasan kungdi pati narin sa mga gagamit nito.
“Kung ma-aaccess yan ng mga ordinaryong mamamayan ng hindi ganun kabigat ay in 5 years time.. at the minimum in 2 years time bayad mo na yung solar pannel mo, the rest of the 18 years libre yung Mamamayang Pilipino na mag-harness nung kuryente mula sa bubong nila,” ayon pa kay Arances.
Una ng panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang Laudato Si na iwaksi na ang paggamit sa fossil fuels at sa halip ay isulong ang renewable energy resources upang patuloy na mapangalagaan ang kalikasan at buong daigdig.