262 total views
Kapanalig, exciting ang mundo ng startups sa ating bansa. Ayon nga sa Department of Trade and Industry (DTI), puno ng potensyal ang ating mga startups. Malaki ang maia-ambag nito sa ating ekonomiya.
Ang startups kapanalig, ay mga bata o bagong kumpanya na binuo upang magtaguyod o magdevelop ng unique o kakaibang produkto o serbisyo. Ang mga produkto o serbisyong ito, pag dinala mo sa merkado, ay kadalasang mahirap tanggihan o talagang magagamit ng tao. Sa ating bansa, isa sa mga sumikat na startups ay ang Kalibrr, isang job-matching company.
Kaya lamang, kailangan din ng suporta ng mga startups sa ating bansa. Hindi biro ang makipagsalaran sa mundo ng startups. Hindi sapat ang unique o kakaibang ideya ng produkto o serbisyo, kailangan din maisa-kongkreto at maipamahagi ito sa merkado. Lalo ngayong panahon ng pandemya, mas mahirap ang magsurvive ang mga maliliit na kumpanya.
Nakita nga sa 2020 Philippine Startup Survey: COVID edition na medyo hirap ang ilang mga startups nitong pandemya. Mga 48% sa kanila ang nag-aalala sa impact o epekto ng pandemya sa kanilang mga kumpanya at 36% naman ang nagsabi na nag-aalala din sila sa maaring impact o epekto nito sa kanilang work force. May mga startups din ang nagsabi na gumawa sila ng iba-ibang paaran upang maka-survive sa panahon ng pandemya. Mga 51% ang nagbawas ng antas ng kanilang produksyon, 36% ang ang nagbawas ng gastos o gumawa ng cost reductions, at halos kalahati ang nag-offer ng bagong produkto o serbisyo. Meron ding mga 20% na mga startups ang nagsabi na ang kanilang cash at kapasidad para sa negosyo ay aabot na lamang ng mahigit isang taon. Malinaw, kapanalig, na kailangan nila ng tulong.
Ang pagbibigay suporta para sa mga startups ay mainam para sa pamahalaan at sa bayan. Sa katunayan, meron ng Innovative Startup Act na nagbibigay ng benipisyo, insentibo at suporta sa kanila. Kaya lamang gaya ng ibang negosyo, taghirap talaga ngayong pandemya. Ang kaibahan lamang ng startups, dahil nga karaniwang innovative and kanilang produkto o serbisyo, marami rin sa kanila ang lumago pa ngayong may COVID 19. Ang kanilang paglago ay magandang balita na maari nating masuri pa ng mabuti upang mai-scale up at mapalawig ang mga negosyong makakatulong sa mas maraming mamamayan. Kadalasan, ang mga startups na technology-backed o nasa larangan ng pagkain, serbisyong pinansyal, pati healthcare ang mas yumabong nitong panahon ng COVID-19.
Ang mundo ng startups sa ating bansa ay medyo bata, kakasimula pa lamang, at kailangan ng ating suporta. Ang kanilang mga makabagong ideya at serbisyo ay hindi lamang ekspresyon ng kanilang pagiging malikhain, ito rin ay isang uri ng serbisyo sa lipunan. Ang suporta ng estado sa kanila ay tulong na rin sa pag-usbong ng isang makabago at resilient na merkado. Bahagi rin ito ng panlipunang katarungan. Ayon nga sa Economic Justice for All, ang ating perspektibo sa ating buhay ekonomiya ay dapat mahulma ng tatlong bagay: Ano ba ang ginagawa ng ekonomiya para sa tao, ano bang ginagawa nito para sa tao, at paano ba nakakalahok ang mga tao dito.
Sumainyo ang Katotohanan.