492 total views
Mga Kapanalig, noong isang linggo naging kontrobersiyal ang paalala ni DepEd Secretary Leonor Briones sa mga guro na hindi sila maaaring mangampanya o mag-post ng kanilang political views sa kanilang social media accounts. Iginiit ng kalihim na dapat manatiling neutral o walang kinikilingan ang mga kawani ng pamahalaan, kasama na ang mga guro at non-teaching staff ng mga pampublikong paaralan.
Ayon sa kalihim, mayroong issuances tungkol sa panuntunang ito katulad ng DepEd Order No. 48 o “Prohibition on Electioneering and Partisan Political Activity” na inilabas noong 2018. Nang tanungin ang kalihim kung maaari mag-post ang mga guro sa kanilang social media ng kanilang political views, mariin niya itong ipinagbawal. Aniya, kung gagawin nila iyon, hindi sila maaaring magpakilala bilang mga guro dahil “bureaucratic neutrality” ang pangunahing prinsipyo pagdating sa isyung ito.
Hindi rito sang-ayon Alliance of Concerned Teachers partylist representative France Castro. Para sa kanya, karapatan ng mga gurong magbahagi ng kanilang mga opinyon. Hindi sila maaaring manatiling apolitical, lalo na sa panahon ng matinding historical revisionism o pagbabaluktot sa kasaysayan. Dapat daw maging halimbawa ang mga guro sa kanilang mga estudyante sa pamamagitan ng paninidigan sa kanilang mga karapatan, at pagbabahagi ng tamang impormasyon at kanilang mga paniniwala. Wala raw saysay ang pagsasaulo ng mga formula, petsa sa kasaysayan, at pangalan ng mga bayani kung hindi marunong ang mga estudyanteng magsuri sa mga nangyayari sa bansa. Dagdag pa niya, dapat hinuhubog ng mga guro ang kritikal na pag-iisip ng mga bata upang hindi sila maging isang henerasyon ng brainwashed robots.
Para sa isang high school philosopher teacher na si Urayjan Borlaza, “theoretically impossible” ang pagiging apolitical ng mga guro. Naniniwala siyang ang pananahimik sa mga isyu ay paghikayat sa pagkalat ng fake news. Bagamat sinasabi ng mga panuntunan ng DepEd na bawal mangampanya at dapat manatiling non-partisan ang mga guro, mayroong Joint Circular No. 1 ang Commission on Elections at Civil Service Commission noong 2016 na sinasabing ang pagpapahayag ng mga paniniwala sa mga kasalukuyang isyu ay hindi maituturing na partisan. Dagdag pa ng guro, pagiging tapat sa kanilang bokasyon bilang mga guro ang paglaban sa disinformation, maging sa social media.
Kinikilala ng mga panlipunang turo ng Simbahan ang karapatan ng mga manggagawa, kasama na ang mga guro. Ang mga karapatang ito ay nakabatay sa kanilang dignidad bilang nilikha ng Diyos. Isa sa mahahalagang karapatang ito ang maprotektahan ang kanilang indibidwal na personalidad, kasama na ang paggalang sa kanilang konsensya at mga paniniwala. Naniniwala rin ang ating mga katuruang hindi obligado ang mga mamamayang sumunod sa mga panuntunan ng pamahalaan kung labag ito sa moralidad ng lipunan, kanilang mga karapatan at konsensya, at mga turo ng Simbahan. Tinatawag natin itong “right to conscientious objection” dahil paggalang ito sa idinidikta ng isang konsensyang dapat hinubog at nakabatay sa Mabuting Balita.
Bagamat nauunawaan nating mahalaga ang pagiging non-partisan ng mga kawani ng pamahalaan sa paglilingkod nila, hindi ito dapat maging hadlang sa pagtataguyod ng isang lipunang makatotohanan, makatao, at makatarungan. Malaki ang papel ng mga guro sa pagpapanday ng lipunang ito bilang mga tagapaghubog ng isipan ng kabataang itinuturing nating pag-asa ng bayan. Kaya naman, isang kabalintunaang hingin ang kanilang pananahimik sa panahong higit na kailangan ng pagsusuri at talakayan.
Mga Kapanalig, katulad ng paalala sa 1 Pedro 2:16, “Mamuhay kayong tulad ng mga taong malaya… mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos.” Ang pagkitil sa kalayaang magpahayag o pananahimik sa kabila ng panawagan ng panahon ay tahasang paglahok sa kasamaan. Nawa’y magamit ng mga guro at ng bawat mamamayan ang kanilang kalayaang iwaksi ang kasinungalingan, magsulong ng katarungan, at maging tunay na tagasunod ng Diyos.