617 total views
Nilinaw ng ‘Sa Madaling Sabi ni Fr. Franz Dizon’ ang kumakalat na video na ginamit ng ilang grupo para sa political propaganda laban sa isang kandidato.
Sa opisyal na pahayag ni Radio Veritas anchor-priest Fr. Franz Dizon, dismayado ito sa paggamit ng kanilang video contents ng mga pagninilay ng walang kaukulang pahintulot at paglilihis sa tunay na mensahe.
“Tahasan naming ipinahahayag ang aming pagkadismaya sa pagtatangkang ‘nakawin’ at ‘putulin’ ang mga content para sa propagandang pampulitika,” pahayag ni Fr. Dizon.
Iginiit ng pari na hindi makatarungan ang paggamit ng kanilang content na walang pahintulot at taliwas sa intensyong ibahagi ng Salita ng Diyos.
Batay sa caption na inilagay ng grupong nag-upload ng cut version ng homiliya patungkol kay Vice President Leni Robredo.
Ipinaliwanag ni Fr. Dizon na ang pagninilay ay hindi patungkol sa sinumang kandidato kundi pagbibigay gabay lamang sa mamamayan sa mga katangiang dapat taglayin ng magiging pinuno ng lipunan.
“Ito ay mga tagubilin para sa mga botante na maging mapanuri ayon sa mga katangian na panukala ng Salita ng Diyos; nanindigan kami sa gampanin ng Simbahang gabayan ang pagpapasya ng mga mamamayan lalo na ang mga Kristiyano,” ani Fr. Dizon.
Nanindigan din ang pari na hindi magkasalungat ang kanilang pagninilay ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas sapagkat magkaiba ang paksa na kanilang tinalakay.
Matatandaang naging kontrobersyal ang pahayag ni Archbishop Villegas sa usapin ng vote buying na pilit inilihis ng mga kritiko sa tunay na mensahe nito.
“Gayundin naman, wala kaming pagtutol sa kanyang [Archbishop Soc Villegas] mga itinuro sapagkat hindi ito taliwas sa Salita ng Diyos at doktrina ng Simbahang Katolika,” ayon pa ni Fr. Dizon.
Kaugnay dito, pinaigting din ng Radio Veritas ang ‘One Godly Vote’ campaign na layong matulungan ang 63 milyong botante na pumili ng mga karapat dapat na lider ng bansa na mamumuno sa susunod na anim na buwan.
Paalala ng simbahan sa mamamayan ang pangunahing katangian na pagbabatayan sa paghalal ang Maka-Diyos, Makatao, Makabayan at Makakalikasan.