387 total views
Inilunsad ng Archdiocese of Cebu ang “500 Legacy Trees for 500 Years of Christianity Program” upang itaguyod ang pangangalaga sa kalikasan kasabay ng pagdiriwang sa ika-5 sentenaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Pinangunahan ng Cebu Archdiocesan Commission on Environmental Concerns (CACEC) ang paglulunsad ng programa na nilalayong isabuhay ang mga katuruan mula sa ensiklikal na Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco tungo sa kristiyanong pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
Sinabi naman ni Cebu Archbishop Jose Palma sa kanyang circular letter na ang inisyatibo ng Arkidiyosesis ay upang sa taong 2025 ay ganap na maitaguyod ang ecological spirituality and action bilang pagpapakita na ang simbahan ay tunay na pinagpapala sa pamamagitan ng paghahandog sa kapwa maging sa kalikasan.
“The 500 Legacy Trees for our 500th Year of Christianity celebration is our Archdiocesan pastoral initiative to plant and grow fruit-bearing trees. It is our aim that in 2025, at least fifty percent (50%) if not all of our parishes, have promoted ecological spirituality and action and thus, concretely manifesting a Church that is truly gifted to give,” pahayag ni Archbishop Palma.
Nagpapasalamat din si Archbishop Palma sa mga parokyang nagpahayag ng pakikiisa sa programa.
Matagumpay namang naitatag ang Parish Ecology Ministry (PEM) sa San Vicente Ferrer Parish sa Bitoon, Dumanjug at Archdiocesan Shrine of the Most Sacred Heart of Jesus sa Cebu City.
Tungkulin ng PEM na ipatupad ang mga programa sa pangangalaga sa kalikasan na sinimulan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – National Laudato Si Program, gayundin sa Archdiocesan environmental programs, at mga local at parochial environmental concerns.
Nakapagpadala na rin ng 500 tree seedlings ang Arkidiyosesis para sa Archdiocesan Shrine of the Immaculate Heart of Mary sa Minglanilla, Cebu.
Unang naglunsad ng katulad na programa ang Arkidiyosesis ng Tuguegarao, Cagayan noong Enero na tinawag na Missio 500 o ang pagtatanim ng 500-puno sa loob ng 500-araw.
Ito ang patuloy na pagsisikap at hakbang ng simbahan upang mapangalagaan at mapanatili ang ating inang kalikasan na unti-unting napipinsala dulot ng mga pagbabago sa kapaligiran.
Nasasaad sa Laudato Si ng Santo Papa Francisco na ang kalikasan ay dapat pang pagyamanin at ibahagi sa kapwa nang sa gayon ay mas mapangalagaan at mapanatili nang wasto upang ang biyayang ipinagkaloob ng Diyos ay masaksihan din ng mga susunod pang henerasyon.