170 total views
Pangungunahan ng Caritas Manila Restorative Justice Ministry ang rehabilitation program ng Archdiocese of Manila para sa mga sumukong drug addict at pushers.
Ayon kay Caritas Manila executive director Father Anton Pascual, ilulunsad ng Simbahan ang community-based program na magbibigay ng counselling, values formation, livelihood training at spiritual formation para sa mga drug addict, pushers at sa kanilang pamilya.
“Community based yung rehab program, ang tugon ng archdiocese of manila sa kalagayan ng drug situation bansa. Ang programa para sa community at ating papadaluyin sa ating mga parokya at ito ay bubuo sa mga volunteers na tututok sa counselling ng mga drug addict kanilang mga pamilya at pangalawa ay values formation at yung ating skills training at livelihood para magkaroon ng alternatibo na panghanapbuhay yung mga nalulong sa masamang bisyo at siyempre yung spiritual na pagbabalik loob sa Diyos, ang ugat ng tunay na pagbabago.” paliwanag ni Father Pascual sa Radio Veritas.
Ibinahagi ni Father Pascual ang pagkakaroon ng rehab center ng arkidiyosesis para sa mga severe cases na nalulong sa paggamit ng illegal na droga.
Tiniyak ng pari na palalawakin ng Simbahan ang programa sa restorative justice para mabigyan ng pagkakataon na makapagbagong buhay ang mga drug addict at matulungan din ang kanilang pamilya na maging responsable sa pagpigil sa problema ng illegal na droga sa bansa.
Binigyan diin ni Father Pascual ang napakahalagang role ng parish priest at kanyang pastoral council sa bubuuing ministry para tumutok sa drug rehab restoration and healing program ng Archdiocese of Manila.
“Ang Ministry na drug rehab program ay tinatawag nating Sanlakbay na kasama tayo sa paglalakbay ng mga addict sa pagbabago ng buhay.” pahayag ni Father Pascual.
Iginiit din ni Father Pascual ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan ng Simbahan sa pamahalaan o sa mga local government units sa tagumpay ng Sanlakbay program.
“Sapagakat itong sanlakbay ay community based program napakahalaga ang ugnayan ng pamahalaan sa parokya at ang unang point of contact ay ang ating mga barangay. Ang anti drug council kasama ang barangay captain ang sumi-screen at nagpo-profile sa mga addict bago eendorse sa simbahan for our Sanlakbay program. Ito ay programang libre na ibigay na apostolado ng simbahan lalung lalu na sa parishioners na adik at kanilang pamilya.
Sa datos ng Philippine National Police, mahigit na sa 700 libo ang mga sumukong gumagamit ng droga simula ng inilunsad ng gobyerno ang war on drugs noong July 2016.