258 total views
Mga Kapanalig, pitong taon na ang nakalilipas, sa araw na ito, nang manalasa ang Bagyong Ondoy. Bagamat hindi ito kasinlakas ng Bagong Yolanda at hindi kasinlawak ang pinsalang iniwan nito kumpara sa naganap sa Tacloban at ibang lugar sa Visayas, inilantad ng Bagyong Ondoy ang mahinang paghahanda natin sa mga kalamidad, ang maling paggamit ng lupa at espasyo lalo na sa mga lungsod, at ang matinding epekto ng hindi natin pangangalaga sa kalikasan.
Itinuturing na kakaiba ang Bagyong Ondoy dahil bagamat mahina ang hanging dala nito, ang dami ng ulang ibinuhos nito nang tuluy-tuloy (lalo na sa Metro Manila) sa loob lamang ng siyam na oras ay katumbas ng isang buwang pag-ulan. Kaya naman maraming bayan at lungsod ang lumubog sa lampas-taong baha. Mahigit isang milyong pamilya ang naapektuhan, marami ang nawalan ng bahay, at halos 500 ang naitalang namatay.
Masasabing pinakamatindi ang epekto ng bagyong iyon sa mga maralitang tagalungsod, ang mga pamilyang walang katiyakan sa paninirahan at nagtitiis sa kanilang barung-barong sa gilid ng mga ilog at estero. Alam nilang mapanganib manirahan sa ganoong mga lugar, ngunit doon lamang kasi sila maaaring manirahan dahil sobrang taas ng presyo ng lupa sa mga lungsod at kulang na kulang ang murang pabahay. Pinalalâ pa ito ng katiwalian sa lokal na pamahalaan at ang kawalan nito ng aksyon upang kontrolin ang paglaki ng mga pamayanang ito. Pinili ng mga pamilyang ito na manirahan sa mga tinatawag na “danger areas”, hindi dahil gusto lamang nila kundi dahil mas malapit ang mga iyon sa mga trabahong akma sa kanilang kaalaman at kasanayan.
Ito ang katotohanang dapat sana’y naunawaan natin pagkatapos ng Bagyong Ondoy, ngunit pinilit na palabuin ng mga taong nais alisin ang mga mahihirap sa mga lungsod.
Matapos ang Bagong Ondoy, kapansin-pansin ang kaliwa’t kanang pagpapatayo ng mga commercial establishments gaya ng mga malls, gayundin ng mga matatayog na residential condominiums sa mga lungsod. Ngunit hindi ba kayo nagtataka, mga Kapanalig, kung bakit walang lugar na inilalaan para sa mga mahihirap upang maipagpatuloy nila ang kanilang kabuhayan, ang pag-aaral ng kanilang mga anak, at ang pagkakaroon ng access sa maayos na mga serbisyong pangkalusugan? Ito ay dahil sa hindi makatwiran at hindi maayos na paglalaan at paggamit ng lupa sa Pilipinas. Sa ngayon, mas pinapaboran ng pamahalaan, lalo na sa lokal na nibel, ang mga negosyong mapagpapasok ng malaking buwis sa kanilang kaban, gaya ng pagpapatayo ng mall, condominium, at private subdivision. Bihira ang mga lungsod na nagpapatayo ng mga pabahay para sa mahihirap nilang mamamayan.
Nararapat lamang na ilikas ang mga pamilya mula sa mga mapanganib na lugar upang sila ay maging ligtas at upang mapangalagaan ang mga ilog at estero, ngunit nangangailangan ito ng mapagkalingang pagtulong sa kanila. May mga solusyong mas mainam kaysa sa itaboy sila sa malalayong relokasyon kung saan walang maayos na supply ng tubig at mahirap makapaghanapbuhay. Nariyan ang mga tinatawag na high-density housing at community mortgage program ng pamahalaan.
Itinuturo sa atin ng Simbahang ang kayamanan ng mundo, kabilang ang lupa, ay para sa kapakinabangan ng lahat. Ang prinsipyong kung tawagin ay universal destination of goods ay nangangailangan din ng pagtutok natin sa mga mahihirap, sa mga isinasantabi ng lipunan at napag-iiwanan ng kaunlaran. Nililinaw rin ng panlipunang turo ng Simbahan na ang karapatan sa private property ay pumapangalawa dapat sa paggamit ng yaman ng mundo para sa ikabubuti ng lahat.
Ginising tayo ng Bagyong Ondoy sa katotohanan tungkol sa climate change, sa tinatawag na “new normal”. Ngunit may nagbago ba sa pakikitungo natin sa mga taong pinaka-naapektuhan? Bilang isang bayan, natuto ba tayong magbahagi sa kanila, ang ituring silang bahagi ng kaunlaran ng mga lungsod? O hinayaan lamang natin silang ipagtabuyan palabas? Pag-isipan natin, mga Kapanalig.
Sumainyo ang katotohanan.