2,643 total views
Inaanyayahan ng Diocese of Borongan ang mamamayan, mananampalataya at mga lingkod ng Simbahan na gunitain ngayong ika-8 ng Nobyembre 2021 ang ika-8 anibersaryo ng pananalasa ng Super Typhoon Yolanda ng may buong pag-asa.
Sa liham sirkular ni Borongan Bishop Crispin Varquez, hinikayat ng Obispo ang bawat isa na gunitain ang naging pananalasa ng Super Typhoon Yolanda sa Eastern Samar ng may buong pag-asa at pagkakaisa hindi lamang sa pamilya kundi maging sa komunidad at parokya.
Ayon sa Obispo, mahalaga ang mga aral na natutunan ng bawat isa mula sa pananalasa ng Super Typhoon Yolanda para sa pagharap sa krisis na idinudulot sa ngayon ng COVID-19 pandemic.
“Eight years after Super Typhoon Yolanda, let us make November 8, 2021 a commemoration of hope and solidarity among our families, communities and parishes as we ourselves have to grapple right now with the challenges of the Covid-19 pandemic.” Ang bahagi ng liham sirkular ni Borongan Bishop Crispin Varquez kaugnay sa ika-8 anibersaryo ng pananalasa ng Super Typhoon Yolanda.
Inihayag ng Obispo na mahalagang patuloy na ipanalangin at ipagpasalamat sa Panginoon ang lakas at katatagan na kanyang ipinagkaloob sa bawat isa upang makabangon sa malawak na epekto ng bagyo.
Hinikayat din ni Bishop Varquez ang bawat isa na ipanalangin ang lahat ng mga may mabubuting puso na mga indibidwal, grupo at organisasyon na nagpaabot ng tulong para sa muling pagbangon ng mga mamamayan ng Eastern Samar.
“Let us be thankful to the Lord that we have risen from the horrible destruction that super typhoon Yolanda had brought. We have seen God’s saving acts at work in our own history. We thank individuals, groups, and organizations who helped us rise and recover, and never forget them in our prayers.” Dagdag pa ni Bishop Varquez.
Bukod sa pagpapasalamat sa mga biyayang ipinagkaloob ng Panginoon, hinimok rin ni Bishop Varquez ang bawat isa na mag-alay ng panalangin para sa ikapapayapa ng kaluluwa ng lahat ng mga nasawi sa pananalasa ng isa sa pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng Pilipinas.
Samantala, binigyang diin naman ng Obispo ang kahalagahan ng pagkakaisa ng lahat para sa pangangalaga ng kalikasan kung saan tinukoy nito ang epekto ng climate change sa pagkakaroon ng mas malalakas na mga bagyo at iba pang mga kalamidad na nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Giit ng Obispo, bukod sa pananalangin na ipag-adya ang bansa sa anumang kalamidad at sakuna ay marapat din magkaisa ang lahat sa pagtugon sa panawagan ng Santo Papa Francisco na pagkakaroon ng ecological conversion para sa nag-iisang daigdig na ipinagkaloob ng Panginoon sa sanlibutan.
“Many of the calamities we face are related to climate change and global warming as pointed out by scientists and experts. We must hear the poor cry of our planet for common action to save our common home. For this to happen, we must heed Pope Francis’ call for ecological conversion. We must move away from the sins of environmental abuse and neglect to show that we are truly returning to the Lord and we truly care for one another.” Ayon pa kay Bishop Varquez.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, ang Super Typhoon Yolanda ang unang Super Typhoon category at itinuturing na pinakamalakas na bagyong nanalasa sa bansa na tumama sa Eastern Visayas region noong ika-8 ng Nobyembre taong 2013 kung saan mahigit sa 6,000 ang naitalang nasawi.
Ito rin ang dahilan ng personal na pagbisita sa Pilipinas ang Kanyang Kabanalan Francisco noong Enero ng taong 2015 upang ipadama sa mga biktima ng Super Typhoon Yolanda ang habag at awa ng Panginoon.