172 total views
Mga Kapanalig, ipinagmalaki kamakailan ng Philippine National Police ang umano’y matagumpay na kampanya ng kasalukuyang administrasyon laban sa ipinagbabawal na gamot. Nabawasan na raw kasi ng 90 porsyento ang supply ng iligal na droga sa bansa sa loob lamang ng halos tatlong buwan simula nang manungkulan si Pangulong Duterte. Sa larangan ng economics, ang “supply” ay tumutukoy sa dami ng produktong ipinagbili ng mga producers.
At paano raw naibabâ ang supply ng droga sa bansa? Hindi na naman lingid sa ating kaalaman na marami sa mga nasasangkot sa pagtutulak ng droga ang tinugis sa pamamagitan ng maituturing na extra-judicial killing. Tinutuligsa ang kalakarang ito ng iba’t-ibang grupo, kasama ang Commission on Human Rights at ang Simbahang Katolika, na naglalayong isulong ang karapatan sa buhay, kahit na ng mga pinaghihinalaang drug pushers at users. Sagrado ang buhay, at wala sa ating mga kamay ang magpasyang bawiin ito. Nakalulungkot lamang na mistulang walang bahid ng pagkabahala ang PNP nang ibinalita nitong tinatayang mahigit na sa 3,000 kataong may kinalaman sa pagpapalanap ng ipinagbabawal na gamot ang napatay.
Sabi ni PNP Chief Ronald Dela Rosa sa isang pagdinig sa Senado, umaasa siyang sa loob ng anim na buwan, wala nang papasok na malaking supply ng droga mula sa ibang bansa. Sa pagkawala ng supply, mababawasan din daw ang demand para sa masamang droga. Kung ang “supply” ay may kinalaman sa mga produktong handang ibenta ng mga producers, ang “demand” naman ay ang dami ng produkto o serbisyong gusto at kayang bilhin ng mga mamimili.
Law of supply and demand. Iyan po ang prinsipyong tinutungtungan ng PNP upang sugpuin ang problema sa droga sa bansa. Kung wala na nga namang magtutulak, wala nang mabibili. At kung wala nang mabibili, wala na ring bibiling mga adik.
Sa kasamaang palad, hindi lahat ng produktong binawasan ng supply ay nabawasan din ng demand. May mga produktong kahit na mababa ang supply, nananatili pa ring mataas ang demand. Halimbawa nito ay mga pangunahing bilihin gaya ng bigas. Hindi automatic na kapag mababa ang supply ng bigas, bababa na rin ang demand dito. Ang isa pang grupo ng mga produktong may ganitong uri ng katangiang pankonsumo ay ang sigarilyo, alak, at droga. Ito ay mga produktong may kinalaman sa addiction—ibig sabihin, kahit pa bawasan ang supply, hindi mababawasan ang demand. Tataas pa nga ang presyo ng droga, kaya’t kikita pa ang mga drug lords at drug cartels.
Ang kailangan ay pangmatagalang solusyon, at nakikita natin ito hindi sa pagpilay lamang sa supply kundi sa pamamagitan ng pagtugon sa mga sitwasyon at kundisyong nagtutulak sa mga taong malulong sa droga at kumapit sa patalim. At tayo pong mga bumubuo ng Simbahan, lalo’t higit ang mga layko, ay hinihimok na makibahagi s pagbawas sa demand—ang tulungan ang mga lulong sa droga na unti-unting iwan ang paggamit nito at ang paliwanagan ang ating kapwa, lalo na ang kabataan, tungkol sa kung paano sinisira ng droga ang kanilang buhay.
Ang pagtulong nating mabawasan ang demand sa droga ay nakatungtong sa isang mahalagang prinsipyo ng panlipunang katuruan ng Simbahan: ito po ay ang prinsipyo ng solidarity, ang pagkilalang tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa.
Mga Kapanalig, bilang mga Kristiyano, tayo ay inuudyukan ng ating pananampalataya na kumilos, hindi lamang upang tiyaking ligtas mula sa anumang kapahamakan ang ating sarili at pamilya, kundi upang magsulong ng mga alternatibo sa marahas na pagtugon sa problema ng droga. Hindi sapat na tutulan ang madugong digmaan sa droga; makibahagi po tayo sa pag-udyok sa pamahalaan at sa mga institusyong gaya ng mga paaralan at ng simbahan na palakasin ang mga programang pang-rehabilitasyon at edukasyon tungkol sa masamang dulot ng droga.
Sumainyo ang katotohanan.