545 total views
Mga Kapanalig, narinig n’yo na ba ang latest na tsismis?
Marami sa atin ang madaling mapukaw ng mga kuwentong hindi pa napatutunayang totoo at kadalasan ay may halong malisya. Madali rin sa ilang tanggapin agad-agad ang mga kuwentong ito; wala nang pagsusuring ginagawa o pag-alam kung may batayan ba ang mga ito o pawang paninira lamang.
Sa isang panayam, pinaalalahanan ni Pope Francis ang mga mamamahayag o journalists na huwag hayaan ang kanilang sariling maging tagapagpakalat ng maling impormasyon, ng balitang walang basehan, ng tsismis. Pinayuhan niya ang mga itong huwag gamitin ang kanilang mga isinusulat bilang “weapon of destruction.” Ang mga mamamahayag, wika niya, ay hindi dapat maging mga instrumento ng pagpapalaganap ng takot sa tuwing nagbabalita sila ng mga pangyayaring gaya ng paglikas ng mga mamamayan mula sa kanilang bansa upang takasan ang matinding gutom at madugong digmaan. May mga tao kasi sa ibang bansa ang nagkakaroon na umano ng takot at pangamba sa pagdating ng mga refugees at migrants sa kanilang bansa, sa halip na isipin kung ano ang maaari nilang gawin upang kalingain ang mga ito.
Inihalintulad pa ni Pope Francis sa terorismo ang pamamahayag na nakabatay sa tsismis at nagpapalaganap ng takot. Sa isang matalinghanggang paraan, sinabi niyang ang pagpapakalat ng tsismis ay paraan ng pagpatay sa kapwa gamit ang mga salita. Mas malawak ang pinsalang nagagawa ng mga mamamahayag na nagpapakalat ng tsismis dahil mas marami ang naaabot ng kanilang mga ibinabalita.
Naniniwala si Pope Francis na bagamat mahalaga ang kritisismo at ang paglalantad ng mali sa ating lipunan, kailangan pa ring sang-ayon sa mga pamantayang propesyunal ang interpretasyon ng mga mamamahayag sa mga kaganapang kanilang nasasaksihan. Ang balita ay dapat na batay sa datos, hindi sa malisya. Ang balita ay dapat na ipinararating sa wikang nananatiling may paggalang sa kapwa, hindi sa paraang winawasak ang pagkatao ng mga pinatutungkulan.
Mga Kapanalig, ang panawagang ito ng ating Santo Papa ay magandang paalala hindi lamang para sa mga tagapagsulat at tagapaghatid ng balita kundi sa ating lahat. Ang pagpapakalat ng tsismis ay walang naibubungang maganda. Winawasak nito ang tiwala natin sa ating kapwa, at sinisira ang relasyon natin sa isa’t isa.
Nakalulungkot, mga Kapanalig, na tsismis din ang tila ba nangingibabaw sa pulitika natin. Nitong mga nakalipas na linggo, nasaksihan natin (at maasahan pa nating magpapatuloy) ang kaliwa’t kanang batuhan ng masasamang salita ng mga pulitiko upang siraan ang isa’t isa. Pati ang mga institusyong dapat na humuhubog ng mga patakaran ay nagagamit na upang wasakin ang pagkatao ng mga hindi kasundong opisyal o kaya naman ay upang isulong ang sariling agenda.
Tayong mga nakatatanggap ng balita sa pamamagitan ng telebisyon, radyo, at internet ay dapat maging mapanuri. Makatutulong tayong ipagtanggol at pangalagaan ang katotohanan kung hindi tayo sasama sa mga nagpapakalat ng tsismis, ng mga balitang walang batayan, o ng mga impormasyong makasisira sa iba. Gaya ng mga mamamahayag, alamin din po natin ang totoo kapag may mga naririnig tayong kuwento o balita.
Sinasabi sa mga katuruang panlipunan ng Simbahan na isang mahalagang sangkap ng tinatawag na “lay spirituality” o espiritwalidad ng mga layko ay ang tinatawag na “prudence”, ang kakayahang pagnilayan kung alin ang tunay na mabuti at kumilos ayon rito. “Prudence” o mabuting pagpapasya ang hiningi sa atin sa panahon natin ngayon kung saan para bang nakalulunod ang dami ng impormasyong ating natatanggap. Kaakibat ng pagpapasyang ito ang pananagutan natin sa anuman ang kahihinatnan ng mga salitang ating sinambit at mga kuwentong ibinahagi sa iba.
Muli, mga Kapanalig, mapanganib po ang pagkakalat ng tsismis. Suriin ang mga naririnig natin, at maging responsable sa ating mga ibabahaging kuwento sa iba.
Sumainyo ang katotohanan.