487 total views
Let us take care of our environment, and our environment and mother nature will take care of us.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo kaugnay sa paggunita sa ikawalong anibersaryo ng pananalasa ng Super Typhoon Yolanda sa Pilipinas.
Ayon kay Bishop Bagaforo na siya ring national director ng National Secretariat for Social Action o Caritas Philippines, nawa ang Bagyong Yolanda ay magsilbing-aral sa bawat mamamayan upang mas bigyang-halaga at pansin ang pangangalaga at pagpapanatili sa ating inang kalikasan.
Paliwanag ng Obispo na isa sa mga mabigat na dahilan ng malawakang pinsala ng Super Typhoon sa bansa ay dulot ng patuloy na pagbabago ng klima ng mundo.
“Sana’y huwag nating makalimutan ang Typhoon Yolanda na [nanggising] sa ating pakikipagkaisa at [gumising] sa ating lahat na huwag nating pabayaan ang ating kalikasan,” mensahe ni Bishop Bagaforo.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, Nobyembre 8, 2013 nang manalasa ang Super Typhoon Yolanda o Typhoon Haiyan na itinuturing bilang unang Super Typhoon category at pinakamalakas na bagyong nanalasa sa bansa.
Higit na napinsala ng Bagyong Yolanda ang Eastern Visayas Region partikular na sa Tacloban City at Palo, Leyte kung saan mahigit sa 6,000-katao ang naitalang nasawi at higit sa 1,800 naman ang kasalukuyan pa ring nawawala.