409 total views
Kasalukuyang sumasailalim sa seminar ang mga katutubo, mga taga Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pang ahensiya ng pamahalaan na may kaugnayan sa pangangalaga sa mga kabundukan partikular na ang Sierra Madre.
Ayon kay Fr. Pete Montallana, chairperson ng Save Sierra Madre Network Alliance, sa nasabing seminar na nagsimula noong September 23, 2016, ipinapaalam kung paano pinapangalagaan ng mga katutubo ang nasabing kabundukan.
Nagagalak din ang samahan dahil sa todo-suporta ng DENR sa gawain sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center sa pamamagitan ng kooperasyon ng Biodiversity Management Bureau ng DENR.
“Marami kaming katutubo ngayon dito sa Wildpark nag-seminar mula Sept 23 hanggang ngayon…ito ay tinipon namin na may cooperation ng Biodiversity Management Bureau ng DENR at Save Sierra Madre Network Alliance at iba pang agency para malaman paano inaalagaan ng mga katutubo ang Sierra Madre sa daang daang taon,” ayon kay Fr. Montallana sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, labis na nagagalak ang pari dahil katuwang nila ang DENR sa pangangalaga ng Sierra Madre lalo na ng sabihin ni secretary Gina Lopez na haharangin nila ang road widening project dito sa pamamagitan ng pagpapagawa ng highways sa pusod ng kabundukan.
Mariin ding tinututulan ng Save Sierra Madre Network Alliance ang planong P18.7 Bilyon na pagpapatayo ng dam sa lugar ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Sinasabing sa buong mundo, matatagpuan sa Sierra Madre ang pinakamaraming endemic species at ito ay may lawak mula Cagayan Valley hanggang Bicol region.
Sa encyclical on ecology na Laudato Si ni Pope Francis, mariin nitong hinihimok ang mga mananampalataya na pangalagaan ang kalikasan upang magkaroon pa ng kinabukasan ang mundo.