202 total views
Nagpa – abot ng pasasalamat ang Caritas Manila sa libu-libong volunteers na nagbigay ng kanilang oras at dedikasyon sa pagsisilbi sa mga nangangailangan at underprivileged sa ika – 63 anibersaryo nito.
Ayon kay Caritas Manila executive director Rev. Fr. Anton CT Pascual, umaabot na sa 4 na libo ang mga volunteers ng Social Services and Development Ministry o SSDM sa mga parokya sa 13 vicariates ng Archdiocese of Manila.
Inihayag ng pari na mahalaga ang ginagampanang papel ng mga SSDM hindi lamang sa pagiging servant leader kundi lalo’t higit sa pagpapakilala ng mga programa ng Caritas Manila sa scholarship, disaster at restorative justice ministry ng Simbahang Katolika.
“Tayo ay nagpapasalamat sa pagdami ng ating mga volunteers na nagpapadaloy ng programa natin tulad ng scholarship, ang disaster at tsaka itong ating RJ ministry para sa mga bilanggo at nakalaya na kaya’t meron tayong mahigit 4 na libong volunteers sa iba’t ibang mga parokya na siyang nagpapadaloy ng mga programa ng Caritas Manila,” bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Veritas Patrol.
Hinimok rin nito ang mga mananampalataya na upang ganap na maipakita ang gawa ng awa o “acts of mercy” ngayong Jubilee Year of Mercy ay maaring tumungo sa kanilang parokya at sumali bilang volunteers ng SSDM.
“Nagpapasalamat tayo sa Diyos maraming tumutugon na ang paglilingkod sa Panginoon ay hindi lamang sa antas ng pagsamba. Puwede ring ipakita ito sa mga gawa ng awa o yung acts of mercy. Tulad nga itong pag – implement ng mga program pag – aalaga sa mga scholars natin na 5 libo at yung mga tinutulungan natin sa mga disaster areas sa buong Pilipinas lalong – lalo na dito sa Metro Manila,” giit pa ni Fr. Pascual sa Radyo Veritas.