140 total views
Muling binigyang diin ng Malacañang ang pagiging bukas ng Administrasyong Duterte sa pagsusuri ng international organizations sa datos at kalagayan ng bansa kaugnay sa sinasabing Extra-judicial killings at mga paglabag sa karapatang pantao dulot ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na pag-anyaya sa mga kinatawan mula sa European Union at United Nations ay malinaw na pagpapakita ng pagiging bukas ng pamahalaan patungkol sa nasabing usapin.
“Malinaw po na kinumbida ng ating Pangulo ang European Union at ang United Nations lalo na patungkol sa mga isyu ng extrajudicial killings at human rights. Ito ay nangangahulugan na ang ating Pangulo ay bukas sa international organizations para tingnan ang record ng extrajudicial killings at human rights sa bansa…” pahayag ni Andanar sa Radio Veritas.
Nilinaw naman ng Kalihim na walang masamang intensiyon ang Pangulo sa naging pahayag laban sa European Union dahil natural niya itong lenguwahe at pananalita.
“Now, pagdating po doon sa lengguwahe ng ating Pangulo kapag ginagamit niya po iyong “PI” na word ay sinabi na naman ng Pangulo na ito talaga ay kanyang nakasanayan na at ito talaga ‘yung the way that he talks,”pahayag ni Andanar
Batay sa pinakahuling tala ng Philippine National Police, umabot na sa 1,216-katao ang namamatay sa operasyon ng mga pulis laban sa illegal na droga mula noong unang araw ng Hulyo.
Sa mahigit 19 na libong operasyon ng mga pulis ay umabot na sa higit 18,800 na suspek ang nadakip sa ilalim ng Oplan Double Barrel, habang sa 1.2-milyong bahay namang nakatok sa ilalim ng Oplan Tokhang.
Nabatid na sa war on drugs ng gobyerno ay mahigit sa 721-libong drug dependents sumuko sa mga otoridad sa buong bansa.
Samantala, una nang nagpahayag ng pagsuporta ang Simbahang Katolika sa layunin ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga ngunit dapat igalang ang karapatang-pantao at idaan sa tamang proseso ang mga nahuling sangkot sa ipinagbabawal na gamot.