445 total views
Dismayado ang Save Arroceros Movement (SAM) sa ginagawang pagsasaayos ng Manila City Government sa Arroceros Forest Park.
Ayon kay Menie Odulio ng SAM at dating pangulo ng Philippine Native Plants Conservation Society, Inc., hindi naaangkop ang Arroceros Urban Forest Park Redevelopment Project sa konsepto ng wastong pagsasaayos at pagpapanatili ng tinaguriang “last lung of Manila”.
“Kasi supposed to be ‘yung loob ng park mame-maintain siya. Pero hindi ‘yun ang nakita namin,” pahayag ni Odulio sa panayam ng Radio Veritas.
Ikinagulat ng grupo ang sitwasyon sa forest park nang bisitahin ito noong November 12 dahil sa mga sementadong daanan na sumira sa maraming puno at halaman sa lugar.
Sinabi ni Odulio bagamat hindi na mababawi ang nasimulang proyekto, umaasa ang grupo sa kapaki-pakinabang na solusyon mula sa magkabilang panig at bumalangkas ng panibagong konsepto na mas makakatulong upang hindi tuluyang mapinsala ang pinakakaingatang kagubatan sa Maynila.
“We are really hoping at this point, of course, to still have a win-win solution… Kasi nandun na ‘yun, they’ve started it. Kaya lang, what we really want to happen is to let us discuss this and redesign it and also, how should the construction work be done,” saad ni Odulio.
Gayunpaman, hindi tutol ang grupo sa pagsisikap ng pamahalaang lungsod sa pagsasaayos ng nasabing forest park.
Subalit, iginiit na dapat dumaan ito sa maayos na konsultasyon at pakikipag-ugnayan sa publiko upang maiwasan ang mga pinsala at makapagbigay din ng mga mungkahi para sa mas maayos na pagpapanumbalik ng kagubatan.
“We are calling on the Manila LGU to stop the Arroceros Urban Forest Park Redevelopment Project and come out with a revised design and construction approach that will minimize further destruction of the forest area and help to start restoration of the forest environment inside the park, in consultation with the environmental partners and civil society,” ayon sa pahayag ng SAM.
Ika-8 ng Setyembre nang simulan ng lokal na pamahalaan ang proyekto para sa pagsasaayos ng Arroceros Forest Park.
Matatagpuan ang Arroceros Forest Park sa lungsod ng Maynila sa pagitan ng Pasig River at Metropolitan Theater na mayroong sukat na 2.2-ektarya at nagsisilbing tahanan ng nasa 1,567 iba’t ibang uri ng puno at halaman, maging ng mga ibon.
Pebrero 2020 naman nang lagdaan ni Manila City Mayor Isko Moreno ang Manila City Ordinance 8607 na nagtatalaga sa Arroceros Forest Park bilang permanent forest park alinsunod sa Republic Act No. 5752 o ang Municipal Forests and Watersheds Act.
Nakasaad sa Laudato Si ni Pope Francis na mahalaga ang pagiging mapagmatyag ng komunidad upang matiyak na wasto at may moral na pamantayan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas na nangangalaga sa kalikasan.