826 total views
Pagbabago sa natural na sistema ng kalikasan at mga maling gawain ng mga tao ang posibleng sanhi ng paglaganap ng peste sa kapaligiran.
Ito ang tinitingnang dahilan ni Leonora Lava, dating Senior Food and Ecological Agriculture campaigner ng Greenpeace Southeast-Asia kaugnay sa paglitaw ng mga alitangya o rice black bugs sa Nueva Ecija.
Ayon kay Lava, mayroong kani-kanyang sistema ng pamumuhay ang mga hayop at insekto na maaaring magdulot ng mabuti o masamang epekto sa kalikasan kapag naapektuhan ng iba’t ibang pangyayari sa kapaligiran.
“Ito ay depende sa nature at sa kapaligirang kinalalagyan ng mga hayop at insekto. Kapag nagkaroon ng disruptions sa mga factors na ito, kasama na ang kaganapan sa kapaligiran, nakakaapekto ito sa cycle ng kanilang pagkabuhay,” bahagi ng pahayag ni Lava sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Lava na ang pagbabago ng klima tulad ng patuloy na pag-init ng temperatura ng mundo at ang maling paggamit ng mga kemikal laban sa mga peste ang nagbubunsod sa mabilis na reproduksyon ng mga insekto.
“May mga possible factors na naging dahilan nito. Posibleng ang pag-init ng mundo na nag-warrant para mas maging mabilis ang kanilang reproduction… Additional pa rito ay ang unsustainable farming practices. Posibleng na-immune na ang mga peste sa ginagamit na inorganic pesticides kaya hindi na sila namamatay, no matter how high ‘yung quantity or dosage na ginamit na pesticides,” saad ni Lava.
Samantala, nagpahayag rin ng pagkabahala ang Kalikasan People’s Network for the Environment (PNE) hinggil sa paglaganap ng mga peste.
Sa pahayag ng grupo sa kanilang facebook page, sinabi nitong ang masamang epekto ng monocropping at paggamit ng pestisidyo ang sumisira sa natural na balanse ng kalikasan.
“Pinapatay ng lason pati ang mga insekto na kumakain sa mga “peste” katulad ng alitangya. Nawawala ang balanse at lumilitaw ang tunggalian ng tao at kalikasan,” pahayag ng grupo.
Ang monocropping ay ang pagtatanim ng parehong pananim sa parehong lugar bawat taon na kalauna’y nagdudulot ng masamang epekto dahil inuubos nito ang sustansya ng lupa.
Dahil dito, napipilitan ang mga magsasaka na gumamit ng kemikal upang makatulong sa pagpapayabong ng mga pananim.
Sinabi naman ng Kalikasan PNE na ang solusyon sa ganitong uri ng suliranin ay ang pagbabago sa sistema ng produksyon ng pagkain na hindi lamang makatarungan para sa mga magsasaka at lipunan, kundi maging sa kapaligiran.
Nasasaad sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco na hinihimok nito ang mga mananampalataya na pangalagaan ang sangnilikha, dahil ang labis na pang-aabuso sa kapaligiran ay magdudulot din ng pinsala sa mga tao.