166 total views
Bilang tugon sa patuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga, isang coalition ang binuo ng Simbahan at pamahalaang lungsod ng Cagayan kasama ng regional office ng Department of Health upang tutukan at gabayan ang mga sumukong drug pushers at users na makapagbagong buhay.
Ayon kay Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma – Chairman ng CBCP- Episcopal Commission on Mutual Relations, ang “Coalition for a Drug-Free Society” ay nabuo sa pagtutulungan ng Simbahan, civil society groups kasama na ang lokal na pamahalaan ng Cagayan na pinangungunahan ng Assistant Regional Director ng DOH.
Inihayag ng Arsobispo na layon ng koalisyon na gabayan ang pagbabagong buhay ng mga biktima ng ipinagbabawal na gamot maging ng kanilang mga pamilya.
“Well dito sa Cagayan, nakapag-umpisa na kami sa pagbuo ng isang Coalition it is called “Coalition for a Drug-Free Society” kasama na rin dito ang mga government agencies especially Department of Health, and then yung City Government ng Cagayan de Oro at marami ring Civil Society Groups, kasali na rin dun ang Simbahan so we have also formed a working group headed by the Assistant Regional Director ng DOH and myself as Co-Chair of this Coalition…”pahayag ni Archbishop Ledesma sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Archbishop Ledesma na nahahati sa tatlong pangunahing pangkat ang tinututukan ng “Coalition for a Drug-Free Society” partikular na ang prevention, intervention at community support’ na siyang pinangungunahan ng Simbahan.
Tiniyak ni Archbishop Ledesma na mas magiging epektibo ang tungkulin ng Simbahan sa coalition lalo’t matutukan nito ang pagkakaloob ng counseling, spiritual healing at formation sa mga drug-surrenderers na nagnanais na magbagong buhay.
“Ngayon meron ngang 3-groups, 1 is for what we called Prevention, the other group is for Intervention saka yung 3rd group is Community Support, so yung Simbahan nasa Community Support, because we do not have the facilities for mga scientific rehabilitation pero we can give community support in terms of counseling, spiritual healing also making available our mga parish halls and formation centers…” pagbabahagi ni Archbishop Ledesma.
Nauna rito, itinatag ng Archdiocese of Manila sa pangunguna ng Caritas Manila ang “Sanlakbay sa Pagbabago program na tutulong sa ganap na pagbabagong buhay ng mga biktima ng droga.
See: http://www.veritas846.ph/simbahan-bukas-ang-pintuan-sa-drug-dependents-cardinal-tagle/
Sa pinakahuling tala ng Philippine National Police mula unang araw ng Hulyo tinatayang umabot na sa higit 18,800-drug suspects ang naaresto habang nasa 721,000 libo naman ang drug users at pushers ang sumuko sa mga otoridad sa buong bansa.
Samantala, una nang inihayag ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nasa halos 2-milyon ang mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot sa buong bansa na nararapat matukoy upang ganap na bigyang ng karampatang tulong upang makapagbagong buhay.