809 total views
Caritas Manila,handang tugunan ang mental health problems sa bansa
Tiniyak ng social arm ng Archdiocese of Manila na tutugon sa tumataas na mental health cases sa bansa na pinalala ng pandemya.
Ito ang mensahe ni Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas President Father Anton Pascual sa ulat na pagtaas ng kaso ng mental health problems sa lipunan.
Ayon sa pari nakahanda ang Caritas Manila sa pagbibigay ng spiritual at psychological support katuwang ang mga eksperto upang malunasan ang mga nakararanas ng mental health crisis.
“Ang Caritas Manila ay sumusuporta sa iba’t ibang sektor kabilang na ang mayroong individual crisis tulad ng mental health na kailangang alalayan, mayroon tayong mga psychologists, at mga doctor na volunteers na makatulong,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
December 1 nang personal na makapanayam ni Fr. Pascual ang babaeng tumalon sa EDSA-Paramount footbridge sa Quezon City kung saan napag-alamang nakaranas ng ‘pressure’ sa trabaho bilang guro sa kasalukuyang blended learning set-up partikular ang online learning at ang mga personal na suliranin na hinaharap sa araw-araw.
Agad na nilapatan ng paunang lunas ang biktima sa pangunguna ng mga kawani ng Caritas Manila na nakabase sa Radio Veritas Tower sa pamumuno ni Kai Fariñas.
Binigyang diin ni Fr. Pascual na bilang pari paiigtingin din ang pagbibigay ng spiritual counselling sa mga nakaranas ng depresyon upang maliwanagan ang kanilang kaisipan at mapatatag ang pundasyon ng pananampalataya ng bawat indbidwal.
“May mga counsellors at spiritual coach ang ating simbahan para magabayan ang mental na kalagayan ng tao, halimbawa sa Radio Veritas may mga programa tayo na pang counselling at healing na pinangungunahan ng ating mga kapatid na pari,” ani Fr. Pascual.
Sa datos ng World Health Organization-Philippines Special Initiative for Mental Health noong 2020 umaabot sa 3.6 milyong Filipino ang nakararanas ng suliranin sa mental health.
Panawagan ni Fr. Pascual sa pamahalaan na paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor kabilang na ang simbahan upang makalikha ng mga programa para sa usapin ng mental health.
“Mahalaga dito ang communication at pagtutulungan ng gobyerno, simbahan at lahat ng institusyon para tugunan ang spiritual problems, psychological problems na naranasan ng mamamayan dahil sa pandemya, yung emergency helpline na pwedeng tawagan ay 925-79-31 to 39”giit ng pari.
Kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan ang biktima na nagtamo ng minor injuries dahil sa pagtalon sa footbridge.