669 total views
Patuloy na naninindigan ang Save Sierra Madre Network Alliance (SSMNA) laban sa pagtatayo ng New Centennial Water Source o Kaliwa Dam Project sa Sierra Madre Mountain Range.
Ayon kay SSMNA Chairperson at Franciscan Priest Father Pete Montallana, nagpapatuloy pa rin ang sapilitang pagpapaalis sa mga katutubong naninirahan sa Kaliwa River Watershed na pagtatayuan ng dam.
Giit ni Fr. Montallana na malaki ang mawawala sa kalikasan kapag itinayo ang Kaliwa Dam hindi lamang dahil sa maidudulot nitong malawakang pinsala sa kagubatan ng Sierra Madre, kundi bunsod na rin ng pagpapaalis sa mga katutubo.
“Ang Kaliwa Dam ay magdi-displace ng maraming katutubo sa kanilang ancestral lands. Ito po ay isang malaking kasalanan natin kung matuluyan silang ma-displace kasi I think, we have to realize that the people who are formed by God to protect the environment, unang-una sa lahat ay ang mga katutubo,” pahayag ni Fr. Montallana sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, dismayado naman ang mga katutubong Agta sa pagpanig ni Quezon Governor Danilo Suarez sa pagtatayo ng Kaliwa Dam.
Sinabi ni Agta Tribe Chieftain Ramsey Astrovera, commissioner ng National Commission on Indigenous Peoples na bagamat nagbigay ng pahintulot ang lokal na pamahalaan sa proyekto ay patuloy ang paninindigan ng mga katutubo laban dito.
Dagdag pa ng mga katutubo na ang naging desisyon ng gobernador ang unti-unting pumapatay sa buhay at kabuhayan ng mga katutubo.
Hulyo nang kasalukuyang taon nang pumanig sa Metropolitan Water Works and Sewerage System (MWSS) si Suarez hinggil sa pagtatayo sa Kaliwa Dam dahil pinangakuan itong kikita ng 800-milyong piso ang kapitolyo sa proyekto.
Taong 2012 nang imungkahi ng pamahalaan ang pagtatayo ng P19-bilyong Kaliwa Dam sa ilalim ng kontrata ng Chinese Energy at MWSS na sinasabing makakatulong upang mabawasan ang kakulangan sa suplay ng tubig sa Metro Manila.
Nauna nang nabanggit ni Fr. Montallana na ang krisis sa tubig sa kalakhang Maynila ay hindi dahil sa kakulangan ng mapagkukunan ng suplay, kundi dahil sa maaksayang paggamit ng mga residente dito.