375 total views
Mga Kapanalig, ngayong unti-unti na ngang lumuluwag ang mga quarantine restrictions, tiyak na marami sa atin ang nagbabalak magbakasyon sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Kasama ba kayo rito? Nasa listahan ba ninyo ang hagdan-hagdang palayan sa Ifugao?
Isa ang Ifugao sa mga bulubunduking lalawigan sa rehiyon ng Cordillera. Matatagpuan doon ang pinaka-engrandeng rice terraces sa rehiyon na tinagurian ngang “eighth wonder of the world.” Idineklara itong national cultural treasure ng ating pamahalaan noong dekada sitenta, at napabilang din sa listahan ng UNESCO World Heritage Sites.
Tinatayang mahigit dalawanlibong taon na ang hagdan-hagdang palayang inukit ng mga taga-Ifugao gamit ang kanilang mga kamay. Pasa-pasa ang mga henerasyon ng mga taga-Ifugao sa pangangalaga ng mga ito. Tulung-tulong ang buong komunidad sa pagpapanatili ng mga palayan batay na rin sa katutubong kaalaman. Ginagabayan sila ng klima at panahon. Sumusunod sila sa maayos na pagpaplano sa paggamit at pangangalaga ng lupa. Hindi sila gumagamit ng mga kemikal; organiko ang paraan nila ng pagkontrol sa mga peste. Sinasabayan ang mga ito ng pagdaraos ng mga banal at sagradong ritwal ng mga katutubong Ifugao. Buháy na patotoo ang rice terraces ng katatagan sa harap ng mga hamong dala ng modernong pamumuhay at makabagong teknolohiya.
Ang mga tradisyong patuloy na isinasabuhay ng mga Ifugao sa maraming henerasyon ay nakatulong na mapanatili ang napakagandang tanawing sumasalamin ng pagkakaisa ng lahat ng sanilikha. Mamamalas natin sa hagdan-hagdang palayan ang pag-ibig ng Diyos hindi lamang para sa kaligtasan ng tao kundi pati ng kalikasan. Hindi nilikha ang kalikasan upang gamitin ng tao para sa kanyang kapakinabangan kundi upang makasama ng tao sa kanyang pag-iral sa mundo. Sabi nga sa Catholic social teaching na Laudato Si’, maling ibatay ang halaga ng kalikasan sa kung paano natin ito mapakikinabangan o mapagsasamantalahan. Ang kalikasan ay mayroong sarili at natatanging angking halaga.
Ngunit katulad ng lahat ng likas-yaman sa Pilipinas, nanganganib ang Ifugao rice terraces. Noong 2001 nakasama ito sa listahan ng World Heritage in Danger. Nagmumula ang bantang ito sa kakulangan ng atensyon sa pagpapatubig ng palayan, modernisasyon, at climate change. Bukod sa mga ito, marami sa mga kabataang katutubong Ifugao ang hindi na piniling ipagpatuloy ang pagsasaka gamit ang tradisyong naipasa sa kanila, lalo pa’t napakaraming oportunidad upang makapagtrabaho o makipagsapalaran sa siyudad at sa ibang bansa. Isa ring dahilan ang iresponsableng turismo kung saan naisakripisyo ng ilang residente ang kanilang lugar para kumita sa dumadagsang mga turista. Mabuti na lamang at naipasa ang National Heritage Act kaya natanggal ang Ifugao rice terraces sa listahan ng mga nanganganib na pamana ng mundo noong 2012. Ngunit marami pang kailangang gawin upang maibalik ang karilagan ng hagdan-hagdang palayan.
Kung mayroon mang naidulot na biyaya ang pandemya, ito ay ang pagpapahinga sa kalikasan, kasama na ang Ifugao rice terraces. Ginamit ng mga residente ang panahon ng quarantine upang ayusin ang nasirang palayan at magtanim muli. Ngayong marami na ang nababakunahan sa Ifugao, partikular sa Banaue, binabalak ng lokal na pamahalaang buksan ang ekonomiya nito sa mga bisita, yaman din lamang na turismo ang isa sa mga pangunahing pinagkakakitaan ng mga katutubo at residente. Huwag nawang maabuso at mapagsamantalahan muli ang hagdan-hagdang palayan ng Ifugao.
Mga Kapanalig, sa pagbisita natin sa mga magagandang lugar sa ating bayan, maging responsible tayo. Gawin panata ang nasasaad sa Mga Awit 145:5 na ipamalita ang karangalan at pagkadakila ng Diyos, isaysay ang mga gawa Niyang kahanga-hanga. Malaking tulong ang responsableng pagbisita sa magagandang tanawin sa ating bansa hindi lamang upang masuportahan ang kabuhayan ng mga lokal na komunidad kundi upang bigyang-halaga ang biyayang ipinagkaloob sa atin ng Maylikha.
Sumainyo ang katotohanan.