265 total views
Pinuri ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang sama-samang pagtutulungan ng mga Filipino upang tuluyang malunasan ang pag-iral ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Ayon kay Bishop Santos, dahil sa pagbabayanihan ng mamamayan, unti-unti nang nakakamit ng bansa ang ganap na kaligtasan laban sa virus.
“Being one and united, we can move forward, rebuild lives and recover what was lost. Again, we heal as one. We pray as one. We serve and save as one,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay ito sa matagumpay na Bayanihan Bakunahan – National Vaccination Days ng pamahalaan noong November 29 hanggang December 1, 2021 kung saan umabot sa 8.1 milyong Filipino ang nabakunahan.
Samantala, sinabi ni Bishop Santos na ang patuloy na pananalig sa Diyos ang isa rin sa mga higit na nakatulong upang muling magkaroon ng pag-asa at malampasan ng bawat isa ang mga pagsubok na idinulot ng pangkalusugang krisis sa lipunan.
“Glory to God that COVID-19 is being contained. It is His mercy and power. He is our true hope and He will always attend to our needs,” saad ng Obispo.
Gayundin ay nagpapasalamat naman ang obispo sa mga medical front liners na hindi huminto sa pagtupad sa misyong paglingkuran at bigyang-lunas ang mga higit na apektado ng COVID-19.
“Gratitude to our health care workers. With their sacrifices and services we are cured, comforted and cared for,” ayon kay Bishop Santos.
Batay sa ulat ng Department of Health, naitala ang 356 na panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa, ang pinakamababang bilang mula noong July 2020.
Habang nasa 871 ang bilang ng mga gumaling laban sa virus at 92 naman ang mga nasawi.
Muli namang maglulunsad ng three-day vaccination drive ang pamahalaan sa December 15 hanggang 17, 2021 upang makatulong na maabot ang target na 54-million fully vaccinated Filipinos sa katapusan ng taon.